071026 Hataw Frontpage

OCD nag-blue alert vs sanib-puwersang ST Inday, habagat

071026 Hataw Frontpage

HATAW News Team

NAGBABALA ang Office of Civil Defense (OCD) sa posibleng pananalasa ng habagat na pinalalakas ng super typhoon Inday at isinailalim sa Blue Alert ang Metro Manila simula kahapon.

Ito ay bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng pagsasanib ng dalawang puwersa ng kalikasan na magdadala ng pag-ulan, posibleng pagbaha, at malalakas na hangin sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi ni OCD National Capital Region Director George Keyser, binuksan na ang Virtual Emergency Operations Center upang mapabilis ang koordinasyon ng ahensiya, habang mananatiling bukas ang Emergency Operations Center hanggang Sabado.

Aniya, ang mga lokal na pamahalaan ang magsasagawa ng assessment sa sitwasyon sa kani-kanilang nasasakupan, habang nakapuwesto na rin ang emergency response equipment sa mga estratehikong lugar.

Kahapon, inilagay na rin sa heightened alert ang lahat ng yunit ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR) Community Affairs Division Chief PCol. Jonathan Abella, naka-standby ang mga search and rescue team at nakapuwesto ang rescue equipment at iba pang emergency assets sa mga lugar na mataas ang panganib.

Nanawagan ang PNP sa publiko na sundin ang mga opisyal na advisory at evacuation order at iwasang bumiyahe sa mga lugar na maaaring bahain o magkaroon ng landslide habang umiiral ang masamang panahon.

Ayon sa PAGASA, asahan ang malalakas na pag-ulan mula Biyernes hanggang Sabado, na maaaring umabot sa 50 hanggang 100 millimeters. Nagbabala ang mga awtoridad na maaari itong magdulot ng flashflood sa mga komunidad na madalas bahain.

Sa pinakahuling pagtataya ng weather bureau, nasa Signal No. 1 na ang 12 lugar sa Northern Luzon dahil sa bagyong Inday.

Inaasahang kikilos ang bagyo pahilagang-kanluran sa Philippine sea at tatawid sa hilagang bahagi ng Luzon sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga bago tuluyang tumahak patungo sa katimugang bahagi ng Japan.