“Patunayan n’yo muna—magre-resign ako agad!”
SEN. ERWIN TULFO, MATAPANG NA HINAMON ANG MGA NAG-UUGNAY SA KANYA SA FLOOD CONTROL!
MAYNILA — Isang matapang at walang pag-aatubiling hamon ang binitiwan ni Senador Erwin Tulfo sa mga nag-uugnay sa kanya sa kontrobersyal na isyu ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa ginanap na MACHRA Balitaan Monthly Forum, mariing iginiit ni Tulfo na handa siyang magbitiw bilang senador anumang oras kung may maipapakitang tunay na dokumento na magpapatunay na tumanggap siya ng kahit isang sentimo mula sa flood control funds.
“I will resign if anyone can present proof that I received money from flood control,” mariing pahayag ni Tulfo.
Ayon sa senador, kailanman ay wala siyang naging proyekto sa flood control, farm-to-market roads, o anumang programang saklaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kaya imposible umanong makatanggap siya ng pondo o kickback mula rito.
“Paano ako masasama sa flood control anomalies eh wala naman akong flood control project?” ani Tulfo.
Tahasan pang pinatindi ng senador ang kanyang hamon sa mga nag-aakusa sa kanya.
“Kapag may nakita kayong pangalan ko sa DPWH, sa listahan ni Cabral, o anumang opisyal na dokumento na nagsasabing may allocation ako sa flood control, dalhin ninyo sa Senado. Magre-resign ako immediately.”
Iginiit din ni Tulfo na mula pa noong siya ay kongresista hanggang sa kasalukuyan bilang senador ay wala siyang natanggap na kahit isang sentimo mula sa flood control, farm-to-market road, o anumang kahalintulad na proyekto.
Naniniwala ang senador na ang pagkakadawit ng kanyang pangalan ay may kaugnayan sa mga lumalabas na survey para sa halalan sa 2028, kung saan madalas siyang isinasama bilang posibleng kandidato sa pagkapangulo na may powersang babangga sa maagang pagdeklara ng kandidatura ni ngayo’y under impeachment trial Vice President Sara Duterte,sa oagka-pangulo sa 2028.
.
Dahil dito, hiniling ng Senador na huwag na siyang isama, pati ang kanyang kapatid na si Senador Raffy Tulfo, sa mga naturang survey upang maiwasan ang walang basehang pambabatikos sa social media.
Samantala, mariin ding itinanggi ni Tulfo ang mga alegasyong ginagamit ang impeachment proceedings bilang panakip sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control anomaly.
Bilang Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, tiniyak niyang magpapatuloy ang imbestigasyon sa sandaling magbalik ang sesyon ng Senado matapos ang State of the Nation Address (SONA), at binigyang-diin na walang mangyayaring pagtatakip sa katotohanan.
“Hindi pa tapos ang imbestigasyon. There will be no cover-up.”
Ayon kay Tulfo, lahat ng mga testigo ay kinakailangang magsumite ng sinumpaang salaysay upang matiyak na ang lahat ng alegasyon ay nakabatay sa matibay na ebidensya at hindi sa simpleng paratang lamang.
Sa huli, malinaw ang mensahe ng senador: kung may ebidensya, ilabas ito; kung wala, tigilan na ang mga walang basehang akusasyon. Ang kanyang paninindigan ay isang direktang hamon sa sinumang nagsasangkot sa kanyang pangalan sa isyu ng flood control anomalies nang walang sapat na patunay.
(Ulat ni BRIAN BILASANO)
