Filipinas, Todo-Handa sa 2027 FIFA Women’s World Cup – Torcaso
TINIYAK ni Philippine women’s national football team head coach Mark Torcaso na magiging ganap ang paghahanda ng Filipinas para sa kanilang pagbabalik sa 2027 FIFA Women’s World Cup, sa pamamagitan ng isang masusing programa na magdadala sa koponan sa apat na kontinente bago ang torneo sa Hunyo 2027.
Layunin ng Filipinas na higitan ang ipinakita nilang kampanya noong 2023 at makalusot sa group stage ng prestihiyosong torneo sa Brazil.
Unti-unting umangat ang antas ng Filipinas matapos ang makasaysayang gintong medalya sa SEA Games, na sinundan ng kanilang kampanya sa 2026 AFC Women’s Asian Cup, na nagsilbing mahalagang sukatan ng kanilang kakayahan laban sa pinakamahuhusay na koponan sa Asya.
Ayon kay Torcaso, naging mahalagang pundasyon ang dalawang torneo upang matukoy ng coaching staff ang mga dapat pang pagbutihin habang pinaiigting ang paghahanda para sa World Cup sa Brazil.
Matapos ang mabibigat na kampanya sa SEA Games at AFC Women’s Asian Cup, muling nagsama-sama ang Filipinas sa San Diego upang repasuhin ang kanilang sistema at simulan ang susunod na yugto ng paghahanda patungo sa 2027 World Cup.
Dumating si Torcaso sa Pilipinas ngayong linggo upang maghanap ng mga lokal na talento at sinabi nitong malaking tulong ang buong suporta ng Philippine Football Federation (PFF) sa kanilang plano na maharap ang koponan sa iba’t ibang estilo at antas ng kalaban bago ang World Cup.
Iginiit naman ni PFF President John Anthony Gutierrez ang buong suporta ng pederasyon sa programa ni Torcaso.
“Ang plano ni Coach Torcaso ay isang masinsinan at maingat na paghahanda na kinakailangan upang makipagsabayan sa pinakamataas na antas ng kompetisyon. Nakahanda ang PFF na ibigay ang lahat ng kinakailangang suporta para maging handa ang Filipinas sa pagsisimula ng World Cup sa Brazil,” ani Gutierrez.
Ayon naman kay Torcaso, nais nilang muling patunayan sa mundo ang kakayahan ng Filipinas.
“Isa itong pagkakataon para maipakita naming muli ang aming kakayahan at gawin ito sa sarili naming paraan. Nandito kami upang bumuo ng sarili naming landas at magkaroon ng magandang kampanya sa susunod na World Cup,” aniya.
Noong nakaraang buwan ay nagsagawa ang koponan ng training camp sa San Diego kung saan hinarap nila ang mga club team na San Diego Wave at Albion San Diego. Kasama sa 30-man pool ang ilang nagbabalik at mga bagong natukoy na manlalaro.
Ipinaliwanag ni Torcaso na bawat training camp at international window ay bahagi ng maingat na plano upang matiyak na magiging handa ang Filipinas sa World Cup.
Kasabay ng pagbubukas ng PFF Women’s League ngayong weekend ay bumisita rin siya sa Maynila upang personal na masubaybayan ang mga manlalarong nakabase sa Pilipinas. Plano rin niyang bantayan ang mga Filipinang naglalaro sa mga liga sa Myanmar, Taiwan at iba pang bansa sa Europa.
“Gusto kong mabigyan ng pagkakataon ang bawat manlalaro na maging bahagi ng World Cup. Ayokong may mapalampas, saan man sila naglalaro,” ani Torcaso.
Bahagi rin ng paghahanda ang pagsabak ng Filipinas sa Asian Games sa Japan ngayong Setyembre. Bagama’t wala ito sa FIFA international window kaya limitado ang makakasamang foreign-based players, sinabi ni Torcaso na mahalaga pa rin itong pagkakataon upang masubukan ang iba pang manlalaro.
“Ang pangunahing layunin namin ay makalayo sa torneo, ngunit mahalaga rin itong pagkakataon upang makita kung sino pa ang handa para sa World Cup,” aniya.
Kinumpirma rin ni Torcaso na sasamantalahin ng koponan ang lahat ng nalalabing FIFA international windows bago ang Hunyo 2027. Kabilang dito ang biyahe sa South America sa Oktubre, mga laban kontra sa mga koponan mula Asia at Oceania bago matapos ang 2026, pagsali sa Pinatar Cup sa Spain sa Pebrero 2027, at ang 2028 Olympic Qualifying Tournament sa Abril 2027.
Magtatapos ang kanilang paghahanda sa isang apat hanggang anim na linggong training camp sa Brazil bago ang pagsisimula ng World Cup.
Pinasalamatan din ni Torcaso ang PFF, sa pangunguna nina President John Anthony Gutierrez at General Secretary Gelix Mercader, dahil sa mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng koponan. Kinilala rin niya ang suporta ng mga sponsor at ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanilang programa.
Sa huli, nanawagan si Torcaso sa mga Pilipinong tagasuporta sa iba’t ibang panig ng mundo na patuloy na suportahan ang Filipinas, gaya ng ipinakita nilang suporta noong 2023 SEA Games sa Chonburi.
“Saan man kami maglaro, sana ay samahan ninyo kami at suportahan ang aming paglalakbay. Kapag nararamdaman ng mga babae ang pagmamahal at suporta ng mga Pilipino, mas mahusay silang naglalaro,” pagtatapos ni Torcaso. (PSC/HNT)
