RATED R
ni Rommel Gonzales
DERETSAHAN at emosyonal na ipinahayag ni Elijah Alejo ang kanyang hirap nang itaguyod niya ang kanyang pamilya, lalo nang magka-cancer ang kanyang ina na isang single mother. Naganap ito sa Fast Talk with Boy Abunda na tinanong ni Tito Boy Abunda si Elijah tungkol sa kanyang buhay at ang kanyang ina na isang single mother.
“Hindi po ako magsisinungaling, it’s really hard po.
“Kasi at a young age po nagka-cancer po si mom. Kumbaga po, ako ang breadwinner ng family. At a young age, alam ko na po ‘yung responsibilities ko, na kailangan kong magtrabaho, not only for me, for my expenses, for my education.
“Kasi pati ‘yung pagpapagamot ng mom ko, sa akin, and ‘yung bayad ng bahay kasi nagre-rent kami,” kuwento ni Elijah.
At ayon pa sa Underage actress wala namang masama sa pangungupahan ng tirahan.
Buong katapatan ding inamin ni Elijah na umabot siya sa puntong napatanong siya kung bakit wala siyang tatay.
‘Bakit wala ka noong kailangan kita?’
“I’m proud po na nakatutulong po ako. Kapag nakikita ko po ang classmates ko noon na sinusundo ng fathers nila, sa akin parang, ‘Bakit ako wala?’
“Hindi naman sa hindi ako grateful na si mom ang nag-alaga sa akin. Pero there is a side of me na curious.”
Tinanong ni Tito Boy si Elijah kung ano ang gusto niyang itanong sa kanyang tatay, tanong na galing sa kanyang puso.
“Bakit wala ka noong kailangan kita, noong kailangan ka namin?” ang madamdaming isinagot ni Elijah.