SINABI NI TATAY LANDO KAY MARIO NA ANG WELGA AY KARAPATAN NG MGA MANGGAGAWA
Tahasang sinabi sa kanya ni Ka Lando na “ganid” ang may-ari ng pabrika na kanilang pinaglilingkuran. Kesyo wala raw sa minimum ang pasuweldo. Kesyo maramot sa pagbibigay ng mga karampatan nilang benipisyo. Kesyo hindi sila ipinagbabayad ng SSS (Social Security System). At kung anu-ano pang akusasyon ang ipinukol ni Tatay Lando sa may-ari ng pabrika.
“Di baleng ‘di namin makasama sa pakikibaka, ‘wag lang mag-iskirol na gaya ng iba,” sabi ni Tatay Lando na sumabay sa kanyang paglalakad. “Pero maunawaan mo sana, hindi parang kendi na mahihingi ang karapatan, kungdi ipinakikipaglaban.”
Wala siyang naikibo kay Tatay Lando maliban sa pagtango. Naghiwalay silang dalawa sa isang kantong tumutumbok sa iskinitang papunta ng pabrika. Pagsakay niya ng traysikel doon, kumaway lang siya bilang pama-maalam kay Tatay Lando.
Simple at payak lang ang pangarap ni Mario. Kuntento na siya sa rutinaryong buhay sa araw-araw, bahay at pabrika. Sa bahay-paupahan na isang-sakay lang sa traysikel ang layo sa pinapasukang pabrika ay narito ang nagbibigay ng sigla at ligaya sa buhay niya. Sa kanya’y pinakamatamis ang bawa’t sandaling kapiling ang asawang si Delia at anak nilang si Dondie.
Galing Cebu, ipinasiya ni Mario na dalhin ang kanyang pamilya sa isang bayan sa labas ng Metro Manila upang maghanap ng magandang kapalaran.
(Itutuloy bukas)
Rey Atalia