NAPAIYAK si Ai ai delas Alas nang malaman niya ang sinapit ng aktor na si Jiro Manio na naging anak niya sa pelikula. At balitang isa talaga si Ai-ai sa nanguna para muling maipa-rehab ang aktor .
Isa pang aktres na labis na nalulungkot sa sinapit ni Jiro ay ang veteran actress na si Gloria Romero. Dapat lang daw na tulungan natin si Jiro dahil sayang ang talento kung tuluyang magupo ng drugs ang kanyang buhay.
Actually, noong unang pasok ni Jiro sa Rehabilitation Center (Home Care) ay maganda ang naging record. In fact, ipinagpatuloy ni Jiro ang kanyang pag-aaral ng high school. Pinayagan siyang lumabas ng Home Care tuwing araw ng Miyerkoles at nagtapos siya on a regular school. Nakunan pa ng programa ni Jessica Soho ang graduation sa high school ni Jiro.
Habang nasa loob ng rehab ay walang special treatment kay Jiro. Kapag nakagagawa siya ng offense ay may parusa sa kanila na tinatawag na Pumping. Naglilinis at nagma-mop si Jiro ng sahig. Linggo-linggo kung dalawin siya ng kanyang ama-amahang si Daddy Andrew.
Bawal bigyan ng pera ang mga nasa Home Care.
Very cinematic nga ang pag-alis noon ni Jiro sa Home Care dahil ‘yun din ang araw ng kanyang graduation sa high school at nakunan pa ‘yun ng programa ni Soho.
Maraming pangarap si Jiro. Gusto niyang bumalik sa pag-aartista. Gusto niyang mag-Culinary, mag-marine, mag-pilot, mag-engineer.
Pero ni isa sa mga ito ay walang natupad. Kahit ‘yung sinabi ni Jiro na magbabalik-showbiz siya ay hindi rin nangyari dahil muli siyang nalulong sa masamang bisyo.
Muling na-rehab pero hindi nakompleto ang treatment kaya mas lalong lumala ang kanyang lagay hanggang sa isang araw, nakita na lang siya sa NAIA Terminal 3 na pagala-gala.
Sa kasalukuyan, marami ang concern sa kalagayan ni Jiro, maraming gustong mag-ambag para sa kanyang rehabilitation pero hindi na siguro mamomroblema ang mga kaanak ni Jiro tungkol ngayon at dapat dire-diretso na talaga ang treatment sa kanya.
Ang tanging makatutulong kay Jiro para sa agarang paggaling ay ang sarili rin niya.
MAKATAS – Timmy Basil