ni Ed de Leon
MAY sinasabi si Richard Merck, na magkakaroon sila ng isang fund raising concert para matulungan sa gastusin si Rico J Puno dahil sa dinaanan niyong triple bypass operations kamakailan. Napakalaking gastos talaga niyon, at kahit na sabihin mong may pera rin naman si Rico J, malulumpo siya sa malaking gastos na kailangan niyang harapin.
Aminin din naman natin na sa panahong ito, ang kita ni Rico J ay hindi na kagaya noong araw na kasikatan niya talaga na sunod-sunod ang mga concert niya. Pagkatapos niyang bypass na iyan hindi mo siya maaasahang makakapagtrabaho agad. Talagang kailangan niya ng ayuda.
Pero nakalulungkot isipin iyang ganyang sitwasyon, na kailangang mag-fund raising para sa mga artist na nalalagay sa ganyang sitwasyon. Wala ba talagang makukuha o magagawang welfare fund para hindi iyang ganyang kung kailangan na at saka magpa-fund raising?
Hindi ba nakasisingil naman iyang OPM ng equity sa tuwing may mga foreign artist na nagkakaroon ng concerts dito sa ating bansa? Saan ginagamit ang nasisingil na equity? Kagaya ngayon, miyembro ng OPM si Rico J, pero tahimik ang OPM. Gumawa sila ng concerts para sa Yolanda at sa kung saan-saan pa. Paano ang mga miyembro nilang kagaya ni Rico J?
Palagay namin, gaya sa US, dapat magkaroon sila ng pondo para sa ganyang sitwasyon, at ang mapagkukunan nila ng pondong iyan ay ang sinisingil nilang equity sa mga foreign performer na nagkakaroon ng show dito sa atin.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com
