PSC, pinasigla ang loob ng 400 kabataang atleta para sa BIMP-EAGA

PSC Pato Gregorio BIMP-EAGA

PINALAKAS ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kumpiyansa at motibasyon ng mahigit 400 kabataang atleta na sasabak sa 12th BIMP-EAGA Friendship Games Sabah 2026 matapos tiyakin ang buong suporta ng ahensiya sa kanilang kampanya.

Sa pangunguna ni PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio, tiniyak ng PSC ang pagbibigay ng insentibo sa mga atletang mag-uuwi ng medalya para sa bansa, bukod pa sa mga uniporme, kagamitan at allowance na ipinagkaloob sa delegasyon.

Kabilang sa mga atletang kinatawan ng General Santos City, Davao City, Puerto Princesa City at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang dumalo sa pulong nitong Biyernes bago ang kanilang pagsabak sa torneo.

“Very special to me ang BIMP-EAGA,” pahayag ni Gregorio, na naging saksi sa pagkakatatag ng programa 31 taon na ang nakalilipas bilang bahagi ng sports diplomacy.

“I was a witness on the creation of BIMP-EAGA 31 years ago as part of sports diplomacy, and it was such a beautiful story,” dagdag pa niya.

Kasama rin sa pulong ang mga chef de mission na sina Dr. Yushoup A. Sario ng BARMM, Michael Denton B. Aportadera ng Davao City, Lady Margaret M. Manalo ng General Santos City at Atty. Gregorio Q. Austria ng Puerto Princesa City.

Ibinahagi rin ni Gregorio ang posibilidad na muling mag-host ang Pilipinas ng torneo sa 2028 at inatasan ang mga chef de mission at PSC Planning sa pangunguna ni Dr. Lauro Domingo na pag-aralan ang paghahanda para sa posibleng pagho-host.

Nagpasalamat naman ang mga kinatawan ng delegasyon sa PSC dahil kumpleto ang mga kagamitan at unipormeng ipinagkaloob sa mga atleta.

Ayon kay Austria, malaking tuwa sa mga kabataan ang pagtanggap ng kanilang mga bag at damit na gagamitin sa kompetisyon.

Ikinatuwa rin ni Aportadera ang suporta ng PSC dahil hindi lamang kani-kanilang lokalidad ang kanilang kinakatawan kundi ang buong Pilipinas.

Bilang dagdag na inspirasyon, pinagkalooban ng PSC ng tig-₱10,000 allowance ang mga atleta, habang magbibigay din ng insentibong ₱30,000 sa bawat magkakamit ng gintong medalya, ₱20,000 sa pilak at ₱10,000 sa tanso.

Apat na beses nang naging punong-abala ang Pilipinas sa BIMP-EAGA Friendship Games: noong 1996 at 2012 sa General Santos City, at 2003 at 2024 sa Puerto Princesa City. (PSC/HNT)