ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SI Richard Reynoso ay isang OPM icon na nasa likod ng mga classic song na Maaalala Mo Pa Rin, Ale, Nasa Langit Na Ba Ako?, Paminsan-Minsan, at Hindi Ko Kaya. Recently rin ay pinarangalan siya bilang Outstanding Music Icon of the Year sa 2026 Philippine Choice Award.
Ngayon ay may new single si Richard titled “Parating Na Ang Pasko” na ayon sa singer ay swak sa diwa ng Paskong-Pinoy.
Kuwento ni Richard, “May bago ho akong single na hatid sa inyo ng PolyEast Records, kapipirma ko lang ho sa kanila, iyan ho ang Parating Na Ang Pasko. Ito ho ang aking first Christmas song na inilabas ko po.
“Ito ay ginawa ho ni Minnith Mota, na inilabas ng PolyEast Records… ito’y isang awitin na bagong-bago.”
Anong klase ang song? Ballad ba ang dating?
“Hindi ho, masaya siya, ang dami na nga hong sumayaw, e. Isinasayaw na nila ngayon, nakalabas na ho ito sa Spotify, sa Tiktok, sa iTunes… nakalabas na ho sa lahat iyan.”
After ng apat na dekada, bakit ngayon lang siya nag-record ng Christmas song? “Ngayon lang ho kasi may dumating, wala kasing pagkakataon dati. So, ngayon po na unang naisip ng PolyEast ni Chito Ilagan na inilagay sa akin para kantahin ko,” nakangiting wika ni Richard na isang Board Member ng MTRCB.
Ano ang reaction niya nang inalok na magkaroon ng single sa PolyEast?
Aniya, “Well, siyempre ay nagulat ako dahil nagka-interes pa rin sila sa akin. I feel privileged and honored, dahil siyempre it’s nice to be… na makasama sa pool of artists nila sa PolyEast. Kaya looking forwad ako, pumirma ako ng three year contract, e. So I’ll be working with a lot of songs, maglalabas tayo ng mga kanta na sana ay tangkilikin ng mga kababayan natin.”
Paano niya ide-describe ang kanyang Christmas song?
“Isa siyang celebratory… okay, isang Pinoy festive Christmas song. Masaya iyong song, isang Paskong Pinoy.
“Kaya ganoon ang title (Parating Na…), kasi sa lyrics niya – Ilang saglit na lang, Pasko ay darating na… So, iyon ang anticipation ng bawat Filipino, alam n’yo naman hindi ba, kapag Filipino, September pa lang ay nagbibilang na? So, this is the perfect song for that, kasi ito iyong kanta na nag-a-anticipate ng Paskong darating.
“Pati iyong celebation ng Pasko, celebrating it with the family and at the same time, iyong virtue of giving, iyong feeling generous na gagamitin mo iyong mga biyaya mo, na puwede mo rin ipamahagi sa mga less fortunate at may aral din iyong kanta.”
Pahabol pa ni Richard, “So, magandang panimula para sa isang singing career na nagsisimula pa lang ulit.”
Incidentally, may repeat ang “RR40: Timeless Memories (The Repeat)” ni Richard sa December 11, 2026 sa Teatrino Promenade, Greenhills, 7:00 pm. Special guests dito sina Andrea Gutierrez, Nonoy Zuñiga, Debbie Lopez, Jay-R Dizon, Dana Reynoso, at VR Caballero. Ito’y hatid ng Echo Jam Entertainment.
