Mula sa Saudi Arabia
Labi ng Pinoy na napatay sa drone attack naiuwi na

Riyadh Saudi Arabia

NASA bansa na ang labi ni Jayson Bolingon Martinez, isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Malasiqui, Pangasinan, na napatay sa drone attack sa Saudi Arabia noong 21 Oktubre 2026.

Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dumating ang labi ni Martinez noong 6 Nobyembre sakay ng Saudia Airlines Flight SV862.

Batay sa ulat, si Martinez ay namatay nang tamaan ng nahulog na debris mula sa isang drone na na-intercept sa Saudi Arabia. Isinagawa ang repatriation sa koordinasyon ng OWWA, Department of Migrant Workers (DMW), at iba pang kinauukulang tanggapan ng pamahalaan.

Tumulong ang OWWA Repatriation and Assistance Division at Regional Welfare Office 1 sa pagtanggap sa mga labi at pag-asikaso sa pamilya ng biktima.

Bago ang pagdating nito, binisita rin ng mga kinatawan ng OWWA ang pamilya upang magbigay ng pakikiramay, ipaliwanag ang mga benepisyong maaari nilang matanggap, at umalalay sa pagproseso ng mga kinakailangang dokumento at transportasyon.

Bilang aktibong miyembro ng OWWA, makatatanggap ang pamilya ni Martinez ng death at burial benefits. Aalalayan din ang mga kalipikadong naulila sa pagkuha ng tulong pangkabuhayan at pang-edukasyon sa ilalim ng Education and Livelihood Assistance Program (ELAP), alinsunod sa mga itinakdang patakaran.