6 katao timbog sa P5K-10K bawat illegal connection

Maynilad Water illegal connection Baseco Compound

ANIM katao ang inaresto sa tatlong magkakahiwalay na operasyon ng Manila Police District (MPD) laban sa ilegal na pagnanakaw at pagkakabit ng linya ng tubig sa Baseco Compound, Maynila, noong 3 at 5 Nobyembre.

Agad isinagawa ang operasyon katuwang ang mga opisyal ng barangay matapos iulat ng Maynilad ang pagkasira ng mga pangunahing tubo ng tubig sa lugar.

Sa imbestigasyon, sinasabing pumapasok ang mga suspek sa mga manhole at dumaraan sa drainage system upang marating at butasan ang mga pangunahing tubo ng tubig.

Nagkakabit ang mga suspek ng maliliit na linya upang makapagsuplay ng tubig sa kanilang mga kliyente kapalit ng paunang bayad na P5,000 hanggang P10,000 bawat koneksiyon.

Sa pahayag ni Baseco Police Station Commander P/LtCol. Rommel Anicete, sinabi ng Maynilad na nagdudulot ng tagas at paghina ng suplay ng tubig sa mga lehitimong konsyumer ang ilegal na pagbubutas sa mga pangunahing tubo.

Matatandaan na nagsagawa na rin ng kaparehong operasyon ang pulisya noong 2025, ngunit muling naitala ang naturang aktibidad ngayong taon.

Nakompiska sa nasabing operasyon ang mga kagamitang sa ilegal na pagkakabit ng tubo, kabilang ang pipe cutters, martilyo, at compressor. Narekober din ang isang pen gun, pillbox bomb, airsoft pistol, at iba pang armas.

Kasalukuyang nakapiit ang anim na suspek sa Baseco Police Station at nahaharap sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition, illegal possession of explosives, at paglabag sa National Water Crisis Act of 1995.