Sunog sumiklab sa Tondo 60 pamilya nawalan ng tirahan

Fire

NAWALAN ng tirahan ang hindi bababa sa 60 pamilya o 180 residente matapos sumiklab ang sunog sa Brgy. 91, Tondo, sa lungsod ng Maynila, nitong Sabado ng madaling-araw, 7 Nobyembre.

Ayon kay Fire Senior Inspector Ronald Lim, commander ng BFP Manila Station 1, walang iniulat na nasugatan o binawian ng buhay sa insidente.

Sa ulat ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, nagsimula ang sunog dakong 3:36 ng madaling-araw kamakalawa, mabilis na kumalat at agad itinaas sa ikatlong alarma dakong 3:52 ng madaling-araw.

Idineklarang fire under control ito dakong 4:57 ng madaling araw at tuluyang naapula dakong 6:10 ng umaga.

Pahayag ng BFP, naging hamon sa kanilang operasyon ang malakas na hangin mula sa katabing ilog na naging dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy, pati na ang makikipot na eskinita at looban na malayo ang distansiya sa kanilang mga truck.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at halaga ng pinsalang dulot nito.