Pilipinas, silver sa Sepak Takraw Women’s Doubles

Sepak Takraw Womens Doubles Asian Games

NAGOYA — Nasungkit ng Philippine women’s doubles team ang pilak matapos mabigo sa Vietnam, 15-8, 15-4, sa gold medal match ng Aichi-Nagoya 2026 Asian Games nitong Martes sa Mizuho Park Gymnasium.

Hindi nakasabay sina Abegail Sinogbuhan, Jean Marie Sucalit at substitute Nelly Jay Saron sa mabilis na laro ng Vietnam na pinangunahan nina Nguyen Thi Thu Trang, Nguyen Thi Khanh Ly at Le Thi Hong Lien.

Unti-unting kumawala ang Vietnam sa kalagitnaan ng unang set at hindi na nakahabol ang Pilipinas. Nagpatuloy ang dominasyon ng Vietnamese side sa ikalawang set matapos agad makabuo ng kalamangan hanggang sa tuluyang masungkit ang gintong medalya.

Gayunman, makasaysayan pa rin ang kampanya ng Pilipinas matapos makamit ang pinakamataas na pagtatapos ng bansa sa sepak takraw sa kasaysayan ng Asian Games.

Nagtala ang Pilipinas ng 2-1 kartada sa Group B matapos talunin ang host Japan at India, bago yumuko sa South Korea. Sa semifinals, winalis ng Pinay ang Laos, 15-12, 15-10, upang unang makapasok sa gold medal match.

Aminado si team captain Sinogbuhan na halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman matapos lumampas sa kanilang inaasahan ang koponan at makapag-uwi ng makasaysayang pilak.

“Mixed emotions po kasi hindi talaga namin ine-expect na makakaabot kami sa finals. Talagang hiniling na lang namin kay Lord na sana this Asian Games makakuha kami ng medalya kahit any color. Pero natapos po itong doubles event namin, binigay sa amin ni Lord itong silver medal. Sobrang sarap sa pakiramdam,” ani Sinogbuhan.

Para naman kay Sucalit, muling nagbalik sa kanyang alaala ang mga pinagdaanang kabiguan at hirap ng koponan bago tuluyang makamit ang kanilang unang Asian Games podium finish.

“Sobrang nag-flashback lahat ‘yung pagod, failures namin sa mga nakaraang competitions. ‘Yung feeling na ang sakit sa part namin na tuwing uuwi kami ng Pilipinas, wala kaming dalang medalya. Ngayon, awa ng Diyos, may dala na kami. Silver pa,” pahayag ni Sucalit.

Ito ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa sepak takraw sa Aichi-Nagoya Games. Nauna nang nakapag-uwi ng bronze ang men’s regu team matapos umabot sa semifinals.

Para kina Sinogbuhan, Sucalit at Saron, naging makasaysayan ang kampanya matapos ang unang pag-abot ng Philippine women’s sepak takraw sa Asian Games final at podium.

Ikatlong silver medal naman ito ng Pilipinas sa Games, kasunod ng pilak ni Jean Claude Saclag sa men’s traditional 65kg MMA at ng Gilas Pilipinas Women’s U-23 3×3.

Ipinahayag ni Sepak Takraw Pilipinas president Karen Tanchanco-Caballero ang kanyang pagmamalaki sa koponan, lalo na sa mga taon ng pagsasanay, sakripisyo at kabiguang pinagdaanan ng mga atleta bago makamit ang makasaysayang medalya.

Aniya, matagal nang hinihintay ng koponan ang ganitong tagumpay at nais niyang personal na makasama ang mga atleta bilang team manager upang makibahagi sa kanilang paglalakbay.

Bagama’t hindi naabot ang gintong medalya, nag-iwan ng makasaysayang marka ang pilak ng Pilipinas at muling itinanghal ang women’s sepak takraw bilang isa sa mga bagong medalya ng bansa sa Aichi-Nagoya Asian Games. (POC Media Pool/HNT)