Lady Warriors, sasalubong sa mabigat na Lady Falcons sa semis

UE Lady Warriors Adamson Lady Falcons V-League Collegiate Challenge

HAHARAPIN ng University of the East (UE) Lady Warriors ang mahirap na hamon kontra defending champion Adamson University Lady Falcons sa pagsisimula ng semifinals ng V-League Collegiate Challenge ngayong Miyerkules sa FilOil EcoOil Centre.

Ganap na alas-10 ng umaga ang unang laro ng best-of-three semifinals, kung saan kailangang ilabas ng Lady Warriors ang kanilang pinakamahusay na laro upang makasabay sa nangungunang koponan sa eliminasyon.

Alam ni team captain at libero Angge Reyes na marami pang kailangang ayusin ang UE matapos nitong kinailangang ipanalo ang huling dalawang laro sa eliminasyon para makapasok sa Final Four tangan ang 4-3 kartada.

Aminado si Reyes na nagkaroon sila ng mga pagkukulang sa mga naunang laban na siyang naglagay sa kanila sa alanganing sitwasyon.

“Kasalanan din naman namin kasi kung hindi kami nagpatalo sa mga previous games, hindi kami mahihirapan nang ganito. Marami kaming lapses at marami pang kailangang i-work on,” ani Reyes matapos talunin ng UE ang Arellano University, 25-20, 22-25, 25-22, 25-15, nitong Sabado.

Sa kabila nito, determinado ang Lady Warriors na huwag makuntento sa kanilang pagpasok sa semifinals.

“We are not satisfied pa. Wala na kaming chance na mag-improve pa kapag nasa-satisfy lang kami,” dagdag ni Reyes, na nasa huling taon na sa programa.

Ikatlong semifinals appearance na ito ng UE sa V-League at hangad nitong muling makabalik sa podium matapos magtala ng bronze medal noong 2023 at 2024.

Aasahan ng Lady Warriors ang opensa ni Van Bangayan, na kumamada ng 34 puntos kontra Lady Chiefs, kasama ang rookie na si Janessa Buhay. Magbibigay naman ng liderato at katatagan si Reyes sa loob ng court.

Dalawang beses nang nagtala ng 30 puntos o higit pa si Bangayan sa torneo.

Samantala, magiging malaking sandata ng Adamson sina Nigerian standout Frances Mordi, Joy Aseo at Third Tuddao. Tinapos ng Lady Falcons ang eliminasyon sa unang puwesto tangan ang 6-1 rekord kahit wala ang kanilang ace na si Shai Nitura.

Posible pa ring makapaglaro si Nitura sa semifinals matapos nitong kumatawan sa Alas Pilipinas sa 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026.

Sa ikalawang pambabaeng semifinal, magtutuos ang University of Santo Tomas (UST) at Arellano University sa alas-12 ng tanghali.

Pangatlo ang Tigresses sa eliminasyon sa 4-3 kartada, habang ikalawa ang Lady Chiefs sa 5-2.

Hangad ng UST na mabawi ang kampeonato na nasungkit nito noong 2024 matapos itong matalo sa Arellano sa limang set sa eliminasyon.

Ang Arellano naman ang tanging koponan na nakapagpabagsak sa Adamson sa torneo at target nitong malagpasan ang fourth-place finish nito noong nakaraang taon.

Sa men’s division, sisimulan ng defending champion Far Eastern University ang semifinals kontra NCAA champion College of Saint Benilde sa alas-3 ng hapon.

Walis na tinapos ng FEU ang pitong laro sa eliminasyon upang makuha ang top seed.

Sa alas-5 ng hapon, maghaharap naman ang UAAP powerhouse National University at ang sorpresa ng torneo na Letran sa isa pang men’s semifinal series.

Ang mga mananalo sa semifinals ang uusad sa best-of-three Finals, habang ang mga matatalo ay magtutuos sa isang laro para sa third place. (PVL/HNT)