NAGOYA — Si Carlo Paalam na lamang ang natitirang pag-asa ng anim na miyembrong Philippine men’s boxing team sa Aichi-Nagoya 2026 Asian Games, at nakasalalay sa kanyang mga kamao ang pagtatapos sa 16 na taong paghihintay ng bansa para sa gintong medalya.
Huling nagkampeon ang Pilipinas sa boxing sa Asian Games noong Guangzhou 2010, nang maghari si Rey Saludar. Mula noon, nauwi sa bronze medal at mga bigong pagtatangka ang kampanya ng bansa sa Incheon, Jakarta-Palembang at Hangzhou.
Ngayong Miyerkules sa Nishio Gymnasium, muling susubukan ng Pilipinas na wakasan ang matagal nang paghihintay sa gintong medalya.
Umakyat sa medal round si Paalam matapos talunin si Jiamao Zhang ng China sa quarterfinals. Ngunit mas mabigat na hamon ang kanyang haharapin sa semifinals—ang world champion ng Kazakhstan na si Makhmud Sabyrkhan.
Matagal nang hinihintay ang rematch ng dalawa.
Nagharap na sina Paalam at Sabyrkhan noong 2022, kung saan nanaig ang Pilipino sa pamamagitan ng 4-1 split decision sa bantamweight final ng 2022 ASBC Asian Elite Boxing Championships sa Amman, Jordan, upang makuha ang gintong medalya.
Ngunit batid ni Paalam na hindi sapat ang nakaraan para manalo muli.
Malaki na ang ipinagbago ni Sabyrkhan mula nang matalo siya sa Amman. Ipinanganak noong Setyembre 9, 2001, naging two-time world champion na ang Kazakh.
Nagtamo siya ng silver medal sa 2021 AIBA World Championships, bago nagkampeon sa 2023 IBA World Championships matapos walisin, 5-0, si Uzbekistan’s Oybek Juraev sa finals.
Sumabak din si Sabyrkhan sa men’s 57kg division sa 2024 Paris Olympics, bago bumaba sa kanyang ideal na 55kg weight class at dominahin ang 2025 World Boxing Championships.
Dahil sa kanyang mga tagumpay, kinilala siya ng World Boxing bilang Best Boxer of 2025.
Sa Nagoya, pagkakataon ni Sabyrkhan na makabawi kay Paalam.
Ngunit para sa pambansang koponan, higit pa sa isang laban ang nakataya.
Isang panalo na lamang ni Paalam para makasiguro ng silver medal, at dalawang panalo ang kailangan upang wakasan ang 16 na taong paghihintay ng Pilipinas para sa gintong medalya sa Asian Games boxing.
Isang Pinoy na lamang ang natitira.
Isang world champion ang kanyang haharapin. (POC Media Pool/HNT)
