MPPT, Skechers nagtambal para sa Pickleball

MPPT Padleball Skechers

PASIG CITY — Pormal nang magkatuwang ang Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT) at Skechers Philippines matapos lagdaan ang kanilang opisyal na partnership sa The Velaris Residences Show Gallery sa West Drive, Bridgetowne, Pasig City.

Kinatawan ng MPPT sina Commissioner Mark Espinosa, Head of Business Development Alex Aime, at Chief Marketing Officer Cedelf Tupas, habang si Suzette Pasustento, Country Head ng Skechers Philippines, ang nanguna para sa kompanya.

Itinuturing na mahalagang hakbang ang partnership para sa mabilis na pag-angat ng pickleball sa bansa. Ang MPPT, isang propesyonal na team-based league na suportado ni boxing legend Manny Pacquiao at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB), ay nakatakdang ilunsad ang pambansang tour nito sa mga pangunahing lungsod sa Pilipinas.

Bilang official footwear at apparel partner, maglalaan ang Skechers Philippines ng specialized pickleball footwear para sa mga nagwagi sa MPPT legs at piling pambansang atleta upang makatulong sa kanilang aktibidad, seguridad at performance sa court.

Binigyang-diin nina Espinosa at Tupas ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa Skechers upang higit pang mapalawak ang pickleball, mula grassroots hanggang professional level.

Samantala, tiniyak ni Pasustento ang patuloy na suporta ng Skechers sa lumalaking komunidad ng mga Filipino pickler sa pamamagitan ng high-performance footwear at gear.

Ang partnership ay bahagi ng paghahanda ng MPPT sa inaugural national tour nito, na magtitipon sa mga nangungunang regional franchise, broadcast partners at malalaking lifestyle sponsors para sa mas malawak na pag-unlad ng pickleball sa bansa. (HNT)