Alas Beach Volley, doble panalo; pumasok sa quarterfinals

Alas Womens beach volleyball asian games

NAGOYA — Doble ang hataw ng Pilipinas sa Round of 16 ng women’s beach volleyball matapos kapwa umabante sa quarterfinals sina Sisi Rondina-Bernadeth Pons at Khylem Harl Progella-Sofiah Shanine Pagara sa 2026 Asian Games nitong Lunes sa Hekinan Ryokuchi Beach Court.

Tinapos nina Rondina at Pons ang hamon ng Japan nina Sakura Ito at Mayu Sawame, 21-17, 21-15, para makasiguro ng puwesto sa quarterfinals.

Hindi naman nagpahuli sina Progella at Pagara matapos patumbahin ang Hong Kong pair na sina N.L. Tsang at M.C. Wong, 26-24, 21-18.

Ayon kay coach Leonardo Gomes, naging susi ang tamang execution at paglalaro nang buong husay.

“We put things in the right place and we were able to perform the best we can,” ani Gomes.

Para kina Rondina at Pons, naging inspirasyon ang pagkatalo sa Kazakhstan noong opening day upang mas pagbutihin ang kanilang laro sa knockout stage.

“Siguro yun yung nagpatibay sa amin kanina kasi yung from the past game namin, di talaga namin tanggap na ganun yung nilaro namin,” ani Rondina.

Iginiit niyang kailangang manatiling nakatutok, gumalaw nang maayos at isagawa ang game plan hanggang sa huling punto.

Tinawag naman ni Pons na “wake-up call” ang kanilang pagkatalo sa pool stage, ngunit sa halip na panghinaan ng loob ay pinili nilang matuto mula rito.

“Sometimes our biggest opponent is not on the opposite side of the court but what’s inside our minds, so maybe yun yung isang baon namin ngayon,” ani Pons.

Samantala, batid nina Progella at Pagara na kaya nilang makipagsabayan, ngunit kailangan pa nilang palakasin ang kanilang tiwala sa sarili.

“Nandun na po yung skills namin, yung tiwala na lang talaga sa sarili,” ani Pagara.

Nangako naman si Progella na patuloy silang lalaban hanggang sa kanilang makakaya.

“Nandito kaming dalawa at lalaban kami hanggang kaya namin,” saad niya.

Malaking tulong din ang suporta ng mga kababayang Pinoy sa venue, ayon kay Pagara.

“Yung sigaw sa labas ng court nakakaboost ng confidence. Madinig yung ‘Laban Pilipinas,’ kaya pinupush namin, pinanalo namin yung set na yun,” ani Pagara.

Hindi pa rito nagtatapos ang hamon para sa magkapares. Iginiit ni Pagara na kailangan nilang patuloy na pagbutihin ang kanilang laro at gamitin ang tiwala ng kanilang mga coach at tagasuporta bilang inspirasyon.

“Kailangan day by day iangat lang yung skill na meron kami kasi maraming naniniwala, lalo na mga coaches, na kaya pa namin iangat kung ano yung talent na bigay ni Lord,” ani Pagara.

Sa quarterfinals, makakaharap nina Progella at Pagara ang Japan. (POC Media Pool/HNT)