NAGOYA, Japan — Tuluyang nalaglag sa medal contention ang Alas Pilipinas Men matapos padapain ng China, 21-25, 20-25, 22-25, sa 20th Asian Games nitong Lunes sa Park Arena Komaki.
Naitala ng Alas ang ikalawang sunod na kabiguan sa Pool D matapos ding matalo sa South Korea sa straight sets, dahilan para bumagsak sa 0-2 ang kanilang win-loss record.
Nanguna si team captain Bryan Bagunas sa opensiba ng Pilipinas na may 15 puntos mula sa 12 attacks at dalawang aces, habang nagdagdag sina Leo Ordiales ng 11 at Peng Taguibolos ng siyam.
Nahirapan ang Alas sa dami ng errors, bagay na aminado si Bagunas na naging malaking dahilan ng kanilang pagkatalo.
“Sobrang dami talagang errors namin ’yun sa game. Siguro kung mabawasan lang talaga, kaya naman. Kaya naman manalo,” ani Bagunas.
Muntik pang makabangon ang Pilipinas sa unang set nang mula sa 17-24 ay nagpakawala si Bagunas ng tatlong sunod na aces para sa 4-0 ratsada. Ngunit nauwi rin sa miss ang kanyang back-row attack at tuluyang nakuha ng China ang set.
Sa second set, nakalapit ang Alas sa 17-18 matapos ang attack ni Lirick Mendoza, ngunit muling nagkasunod-sunod ang costly errors ng Pinoy para makawala ang China.
Si Wen Zihua ang nanguna sa China sa 10 puntos, habang may tig-walong puntos sina Li Yongzhen at Wang Bin.
Dahil sa pagkatalo, sasabak na lamang ang Alas sa classification round at tatapusin ang pool stage laban sa Chinese Taipei sa Martes, tangan ang hangaring makakuha ng unang panalo sa torneo.
Para kay Bagunas, magsisilbing mahalagang karanasan ang kampanya ng Alas sa Asiad.
“Sa akin, siyempre, itong Asian Games siguro gagawin namin as experience. ’Di man kami manalo, pero may natutunan kami. Siguro sa mga susunod na tournament pa mas pagbubutihan namin kung ano ’yung kulang para sa team,” ani Bagunas. (POC Media Pool/HNT)
