INFANTA, Quezon — Ilang dosenang kabataan ang lumahok sa isang 7-kilometer fun run na inilunsad ng Southern Tagalog for Environmental Development Protection of Sierra Madre, Inc. (STEP-Sierra Madre) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Sierra Madre Day.
Mula sa starting point patungo sa Agos Bridge, bitbit ng mga kabataan ang mga flaglet na naglalaman ng mga mensaheng “No to Kaliwa Dam” at “Stop Quarrying in Agos River (Dredging).”
Pagdating sa tulay, sinalubong ng water spray mula sa isang fire truck ang mga kabataan upang mapawi ang kanilang pagod at init matapos ang pagtakbo.
Sumunod na dumating ang motorcade mula sa Infanta Cathedral, humilera sa tulay ang mga kabataan habang hawak ang malalaking banner na bumubuo sa mensaheng “PROTECT SIERRA MADRE.”
Kasama sa motorcade ang mga pari, seminarista, madre, mga kinatawan ng katutubong pamayanan at iba pang religious groups.
Sa programa, nagpahayag ang mga kinatawan ng kabataan, isang Agta leader, mga pari at iba pang sektor tungkol sa pangangalaga sa Sierra Madre at sa mga usaping pangkapaligiran na kinakaharap ng mga komunidad.
Sinabi ni Fr. Efren Diaz, Social Action Director ng Diocesan Social Action Center ng Prelature of Infanta, na nakikiisa ang Simbahan sa pangangalaga sa kalikasan at sa pagtatanggol sa mga sektor na umaasa sa likas na yaman para sa kanilang buhay at kabuhayan.
Kabilang dito, aniya, ang mga katutubo, mangingisda, at magsasaka, na maaaring higit na maapektohan kapag nasisira ang kapaligiran.
Binigyang-diin din ni Diaz ang pangangailangang makiisa sa mga pagkilos para sa pangangalaga ng kalikasan at pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo.
Ang aktibidad ay nagsama-sama sa kabataan at iba pang sektor sa isang programa na nagbigay-diin sa kahalagahan ng Sierra Madre bilang bahagi ng likas na kapaligiran at kabuhayan ng mga komunidad sa rehiyon. (TEDDY BRUL. Jr.)
