Cabang Tolentino, bronze sa Asian Games

John Cabang Tolentino Hurdles Asian Games

NAGOYA — Tuluyan nang nakapasok sa podium ng Asian Games si Olympian John Cabang Tolentino matapos masungkit ang makasaysayang bronze medal sa men’s 110-meter hurdles final nitong Linggo ng gabi.

Sa ilalim ng ilaw ng Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium, nagtala ang Filipino track star ng season-best 13.48 segundo para angkinin ang kanyang inaasam na medalya.

Nauna sa kanya si Chen Yuanjiang ng China, na nag-gold sa mabilis na 13.15 segundo, habang silver naman si Rachid Muratake ng Japan sa 13.29 segundo.

Ang medalya ni Cabang Tolentino ang unang Asiad hurdles medal ng Pilipinas mula nang mag-bronze si Elma Muros noong 1990, at unang medalya rin ng isang Pinoy na lalaki sa hurdles mula pa noong 1954.

“Very happy ako. Marami lang talagang pressure sa sarili ko, at ginawa ko lang,” emosyonal na pahayag ni Cabang Tolentino matapos ang karera.

Sa nakaraang Hangzhou Asian Games, muntik na niyang maabot ang podium matapos magtapos sa ikaapat na puwesto. Sa pagkakataong ito, dala niya ang matibay na determinasyong makabawi.

“Pumunta ako rito… sa kahit anong kompetisyon, palagi akong lumalaban para manalo,” aniya.

Hindi rin naging madali ang kanyang paglalakbay patungo sa podium, ngunit nanatili siyang determinado sa kabila ng mga pagsubok.

“Kahit sa mahihirap na panahon, patuloy lang akong lumalaban… palagi kong pinapangarap ito,” dagdag niya.

Inialay ni Cabang Tolentino ang makasaysayang tagumpay sa kanyang coach, pamilya, kasintahan at buong sambayanang Pilipino.

Bago ang kanyang Asiad bronze, nagningning din siya sa 2025 SEA Games sa Bangkok, Thailand, kung saan nagwagi siya ng gold at nagtakda ng bagong SEA Games record na 13.66 segundo noong Disyembre 12, 2025.

Nilampasan niya ang dating record na 13.69 segundo na hawak ni Thailand’s Jamras Rittidet mula pa noong 2015.

At hindi pa rito nagtatapos ang kanyang target.

“I’m gonna go for LA Olympics,” mariing pahayag ni Cabang Tolentino. (POC Media Pool/HNT)