Billy Jake busy bilang host ng live events, planong sumabak na rin bilang director

Billy Jake Cortez

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

AFTER almost three years, nakita naming muli ang aktor na si Billy Jake Cortez na ang screen name na ngayon ay Billy Jake. Siya ang nagsilbing host last week sa SMILE (Samahan ng mga Manggagawa sa Industriya ng Live Events), sila ang grupong nagbibigay proteksiyon sa mga tao sa industriya ng live entertainment.

Ang mga nasa likod ng SMILE ay sina Terence Jabatan, Atty. Herman Coloma Jr., at Prof. Dolores T. Andres.

Anyway, sa aming huntahan kay Billy Jake, nalaman namin na last year pa siya nagpalit ng screen name.

Aniya, “Actually, sina direk Darryl (Yap) ang nagsabi sa akin na Billy Jake na lang ang gamitin ko, since last year.

“Ngayon ay busy ako sa live events, kasi ay nagpa-pageant-pageant hosting ako like sa Bicol, sa Tuguegarao, sa Zamboanga…  Ayan, sa Visayas – Mindanao po medyo active po ako sa live events.

“Ngayon po ay katatapos lang ng contract namin sa Viva, sa MegaFUNalo, hosting po talaga at saka pasundot-sundot minsan ng mga teleserye. Actually, tapos na po ako sa teleserye ko na on-going pa po ngayon, yung My Bespren Emman sa TV5.”

Dagdag pa ni Billy, “May mga upcoming po ako sa Viva Movie Box at saka sa Viva Films, abangan po ninyo.

“Sa ngayon ay nagsu-shoot po kami ng pelikula, pero hindi pa po puwedeng sabihin. Sa Viva Films po ito, yes po, pangsinehan po ito.”  

Matatandaang nagmarka si Billy sa papel na batang Mel Mathay sa pelikulang “Martyr or Murderer” ni Direk Darryl Yap noong February 2023.

Inusisa namin siya kung anong year pumasok sa showbiz at kung ano ang kanyang dream role.

“Year 2018 po, eight years na po ako sa showbiz and I’m very-very-very hungry for more pa. 

 “Ang dream role ko ay mag-lead sa isang horror movie,” sambit pa niya.

Nabanggit din ni Billy ang plano niyang pasukin ang pagiging direktor ng pelikula, very soon.

“Siguro po, makapasok tayo sa directing, kasi nagsimula ako sa pelikula bilang book author noong may Viva books pa at saka may mga kasabayan po tayong direktor. Iyon po ang gusto kong tahakin ngayon.”

Nag-aral ba siya ng Film Making?

Tugon niya, “Opo, sa UP Film Institute po ako, nag-Master’s po ako roon, hanggang ngayon. Kaso ay naka-LOA po ako ngayon (Leave of Absence) dahil sa dami po nang ganap.”

Kung bibigyan daw siya ng chance kung ano’ng tema ng pelikula ang gusto niyang idirek, ito ang pahayag ni Billy Jake:

“Ah… may dalawa po akong niluluto ngayon, pinag-uusapan na rin po namin ng Team namin, yung Team VinCentiments, mayroon po akong horror na isa-submit po for pitching at mayroon po akong isang comedy.”

Alam ba ni Direk Darryl ang plano niyang maging direktor?

Esplika ni Billy Jake, “Alam niya po iyan and sa grupo naman po, aware naman po ang lahat na… ‘Kailan kaya magdidirek si Billy?’ Iyon po ang tanong nila at mukhang ito na po ang panahon para magdirek na po tayo ng pelikula.”

This year ba ang plano niyang ito or next year?

“Hopefully po this year o kaya ay next year, para makagawa na po tayo ng pelikula,” nakangiting sambit ni Billy.