Sibol, bronze sa Asian Games Esports

PH Esports Asian games

NAGOYA —  Nasungkit ng Sibol ang bronze medal matapos yumuko sa Indonesia, 0-2, sa semifinals ng Pokémon UNITE esports nitong Linggo sa Aichi Sky Expo Hall.

Suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, muntik nang maagaw ng Pilipinas ang unang laro matapos makapagtala ng malaking kalamangan. Subalit nabura ito nang masungkit ng Indonesia ang Kyogre sa huling dalawang minuto para makabalik at tuluyang kunin ang Game 1, 312-277.

Hindi na nakabangon ang Sibol matapos ang masakit na pagkabigo sa unang laro. Sinamantala ng Indonesia ang momentum at agad kumawala sa Game 2 hanggang sa dominahin ang laban, 887-204.

“Actually, nung Game 1, sobrang swerte ng kalaban. Kung mapapansin, sobrang baba na ng health ng mga kalaban. Kinapos lang talaga tayo,” ani Sibol Pokémon UNITE head coach Albert Camp.

Gayunman, ipinagmalaki ni Camp ang kanyang mga manlalaro matapos maitala ng Pilipinas ang kauna-unahang esports medal nito sa Asian Games.

“Sobrang happy pa rin ako. I’m still in awe kasi first time at sobrang saya ko para sa mga boys ko. Lifetime nilang dadalhin ito—na nakapag-uwi sila ng medalya para sa bansang Pilipinas,” ani Camp.

Pinangunahan nina Kim Rey Salazar, Michael Vaughn Ocio at Lance David, kasama si Camp, ang Sibol na nagmula sa dominanteng 2-0 sweep sa Hong Kong sa quarterfinals.

Ngunit hindi nila napasakamay ang momentum laban sa Indonesia matapos mabigo sa krusyal na Kyogre fight sa dalawang laro, dahilan upang makumpleto ng Indonesians ang dalawang come-from-behind victory.

Sa kabila ng pagkatalo, nag-uwi ang Sibol ng makasaysayang bronze medal para sa Pilipinas sa esports event ng Aichi-Nagoya Asian Games. (POC Media Pool/HNT)