MONTREAL, Canada — Nakatakdang isulat ni Mary Joyce Monton ang panibagong pahina ng Philippine cycling history sa kanyang pagsabak sa Women Elite road race ng 2026 UCI Road World Championships ngayong Linggo, Setyembre 27, sa Montreal, Canada.
Bilang reigning PhilCycling National Championships road race champion, bitbit ng 29-anyos na siklista ang matinding karanasan sa lokal na kompetisyon. Noong 2024, nasungkit din niya ang ginto sa individual time trial at criterium events.
“Excited ako sa world championships, pero magiging mahirap dahil makakalaban ang mga elite sa mundo,” ani Monton.
Aabot sa 180.10 kilometro ang karera na magsisilbing malaking hamon sa Pinay cyclist, na makakasabay ang mga world-class rider tulad nina Demi Vollering ng Netherlands, Kasia Niewiadoma ng Poland, Marlen Reusser ng Switzerland at Lotte Kopecky ng Belgium.
Kasama rin sa star-studded field sina Paula Blasi ng Spain, Franziska Koch ng Germany at Kim Le Court ng Mauritius.
Suportado ang kampanya ni Monton ng Philippine Olympic Committee sa pangunguna ni Abraham Tolentino at Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni Patrick Gregorio.
Para kay Tolentino, hindi lamang resulta ang mahalaga sa unang pagsabak ni Monton sa world championships.
“Good luck sa kanya, pero ang paglahok pa lang niya ay milestone na,” ani Tolentino mula sa Nagoya, Japan, kung saan kasalukuyang ginaganap ang 20th Asian Games.
May 141 rider mula sa 56 bansa ang nasa official start list.
Sa gitna ng batikang mga siklista sa mundo, hahataw si Monton dala ang pangalan at bandila ng Pilipinas sa isa sa pinakamalaking entablado ng cycling. (PhilCycling/HNT)
