NAGOYA — Nalaglag man sa ginto, nag-uwi naman ng pilak ang Gilas Pilipinas women matapos bigong malampasan ang host Japan, 21-11, sa 3×3 basketball final ng 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026 nitong Biyernes ng gabi sa Kinjo Futo Station Square Venue.
Naging sandigan sa ilalim si Kacey Dela Rosa habang buong tapang na nakipagsabayan ang Gilas, ngunit naging mas eksakto at kontrolado ang Japan sa harap ng kanilang kababayang sumuporta.
Tumapos si Dela Rosa na may anim na puntos, tatlong blocks at tatlong rebounds, habang nagdagdag sina Amyah Espanol at KA Kennan ng tig-tatlo at dalawang puntos para sa ikalawang pilak ng Pilipinas sa torneo.
“Honestly, I feel bad because I couldn’t lead them to the gold. They really deserved to win that. Sa lahat ng sakripisyo, lahat ng hard work, I really believe they deserve it,” pahayag ni coach Anton Altamirano.
“Pero masaya pa rin kami dahil may medalya tayong maiuuwi para sa bansa. I believe we gave our best in the tournament, we just really fell short in this gold-medal match,” dagdag niya.
Nanguna para sa Japan si Yuki Hirashita na kumamada ng siyam na puntos at limang rebounds, kabilang ang malamig na tira may 31.2 segundo na lang na tuluyang nagbaon sa pag-asa ng Gilas.
Kumolekta naman si Sakura Horiuchi ng walong puntos at pitong rebounds para suportahan ang Japan, na kontrolado ang takbo ng laro mula simula hanggang dulo.
Galing ang Japan sa dominanteng 19-8 panalo kontra South Korea sa semifinals, habang nilusutan naman ng Gilas ang Thailand para makapasok sa championship match.
Samantala, nabigo ang Gilas Pilipinas men’s 3×3 na makopo ang bronze matapos tambakan ng South Korea, 21-9, sa laban para sa ikatlong puwesto.
Sa kabila ng pagkabigo sa ginto, nagsilbing pilak na liwanag para sa Pilipinas ang matapang na kampanya ng Gilas women kontra sa mga higante ng Asya. (POC Media Pool)
