Paalam, pasok sa Asiad Quarterfinals!

Carlo Paalam Asian Games

NAGOYA, Japan — Matagumpay na nagbalik sa international boxing si Olympic silver medalist Carlo Paalam matapos talunin si Commonwealth Games silver medalist Jadumani Mandengbam ng India, 3-0 split decision, para umabante sa quarterfinals ng men’s 55kg division ng 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026.

Sa Nishio Gymnasium, ipinakita ng 2018 Jakarta Asiad bronze medalist ang beteranong tikas sa kabila ng isang taong pagkawala sa kompetisyon dahil sa injury.

Aminado si Paalam na hindi naging madali ang laban, lalo’t sabik ang kanyang Indian foe na patumbahin ang isang kilalang pangalan sa boxing.

“Mahusay din ang Indian, kapag bago gusto nila matalo ang may pangalan na. Nakisabay na lang ako sa kanya sa huling round,” ani Paalam.

Masaya rin ang boksingero sa naging tugon ng kanyang katawan matapos ang matinding bakbakan.

“Sobrang ganda po yung laban namin. Tsaka nag-adjust din po talaga ako sa taas ng ring kanina kasi first time ko lumaban ngayon.”

Sinubok nang husto ng laban ang kanyang kondisyon, ngunit nakayanan niya ang pagod hanggang sa huling round.

“Thankful po ako sa performance na nilabas ko kasi nahatak yung endurance ko… kahit pagod po. Parang si Pacquiao lang po eh, na ibubuhos buhay talaga yung boxing.”

Para kay Paalam, hindi mahalaga kung dikit o hati ang desisyon basta’t walang pagsisising maiiwan sa ibabaw ng lona.

“Gawin lang namin yung best namin. Kada laban po at least wala kaming pinagsisihan sa taas ng lona. Kasi sacrifice namin yung panalo talaga.”

Ipinagpasalamat din niya ang suporta ng kanyang mga kasama, pati ang gabay nina coaches Ronald Chavez at Elmer Pamisa at ang kanyang pananampalataya na naging sandigan sa kanyang pagbabalik.

Kasabay nito, nanawagan si Paalam sa mga kababayan na patuloy silang suportahan at ipagdasal sa halip na batikusin.

“Wag po kami i-bash kasi sobrang hirap ng laban dito… suportahan nyo kami, hindi nyo kami iba-bash kasi pagdala palang ng pangalan namin dito, dala namin Pilipinas. Hindi lang apelyido namin, bayan namin dala namin po.”

Sa quarterfinals, makakaharap ni Paalam si Jiamao Zhang ng China para sa tiket sa semifinals.

Samantala, sisimulan naman ni kapwa Olympic medalist Nesthy Petecio ang kanyang kampanya kontra Jordan’s Mays Alrerm Abukhadijah sa women’s 60kg division. Umaasa siyang makasama sa Last 8 sina Paalam at Junmilardo Ogayre.

Bago tuluyang umalis, nag-iwan muna si Paalam ng mensahe kay Petecio.

“Para kay Ate Nes, good luck sa’yo ate, gawin mo yung best mo, lahat kami nakasuporta sa’yo… para sa bayan po.” (POC Media Pool/HNT)