WALANG world feed para sa tennis sa 20th Asian Games, pero sisiguraduhin ng Cignal TV na mapapanood ng mga Pinoy ang bawat laro ni Alex Eala.
Gumastos ang official Philippine broadcaster ng karagdagang P1 milyon para sa sariling coverage sa Higashiyama Park Tennis Center matapos hindi mapasama ang tennis sa 28 sports na garantisadong may live signal mula sa host broadcaster na China Media Group-International Media Port.
Dahil wala ang mga bituin ng China at Japan, limitado lamang ang coverage ng tennis sa highlights at ENG crews.
“Hindi namin hahayaang hindi mapanood ng mga Pilipino ang mga laro ni Eala rito,” pahayag ni Cignal first vice president at head of sports content Sienna Olaso. “Maglalagay kami ng sarili naming mga kamera at digital equipment.”
Ihahatid ng Cignal ang Aichi-Nagoya 2026 sa ONE Sports, ONE Sports+ at Pilipinas Live, tampok ang mga pangunahing atletang Pinoy gaya nina Eala, gymnast Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena.
Naging problema ang coverage matapos mabago ang listahan ng mga kalahok sa tennis.
Kinumpirma ng Chinese Tennis Association na hindi sasabak sa Aichi-Nagoya sina dating world No. 4 Zheng Qinwen, Zhang Zhizhen, Jerry Shang Juncheng, Bu Yunchaokete at Wang Xinyu.
Pinili ng mga ito ang ATP events sa Chengdu at Hangzhou, gayundin ang China Open sa Beijing—isang ATP 500 at WTA 1000 tournament na kasabay ng iskedyul ng tennis sa Asiad simula Setyembre 27.
Nag-withdraw din si Indonesia’s Janice Tjen, habang inaasahang hindi rin lalahok ang mga pangunahing manlalaro ng Japan sa kaparehong dahilan.
Dahil dito, si Eala, world No. 18, ang pinakamataas ang ranggo sa women’s field. Isa siya sa dalawang Top 20 female players na hindi sasabak sa Beijing upang piliin ang Asian Games.
Isinantabi ni Eala ang pagkakataong makakuha ng malaking premyo at ranking points sa Beijing upang ipaglaban ang bandila at bansa. Mula Singapore Open, diretso siyang lilipad patungong Nagoya.
Malaki ang nakataya para sa Pilipinas—ang pagkakataong makuha ang unang Asian Games tennis gold medal ng bansa mula pa noong 1962. (POC Media Pool)
