NAGOYA — KAPWA nakapasok sa finals ng floor exercise ang magkapatid na Carlos at Eldrew Yulo sa men’s artistic gymnastics ng 20th Asian Games.
Nanguna si Carlos Yulo sa floor exercise qualifications matapos magtala ng 14.600 puntos, mula sa 5.7 difficulty at 8.900 execution.
Pasok din ang double Olympic gold medalist sa finals ng parallel bars matapos pumuwesto sa ikaanim na may 14.266 puntos, gayundin sa vault kahit bumagsak siya sa unang pagtatangka sa qualifying.
“Sobrang challenging today. Hindi ito yung in-expect ko na preparation ko. Hindi siya lumabas talaga today,” pahayag ni Carlos sa POC Media.
Ikinuwento rin ni Carlos ang pagkadismaya sa kanyang unang vault attempt at pagbagsak sa high bar matapos hindi maayos ang pagkakahawak sa bar.
“Hindi yun yung tamang pag-grab at nung nalaglag ako, I was really disappointed,” ani Carlos, na nagpapasalamat dahil ligtas siya sa insidente.
Sa high bar, sinabi niyang ibinalik niya ang isang skill na ilang taon na niyang hindi ginagawa upang hamunin ang sarili.
Samantala, ikaapat si Eldrew sa floor exercise matapos makakuha ng 13.966 puntos para makapasok din sa finals.
“Grateful dahil lahat kami is safe at super proud din ako sa nangyari kanina,” pahayag ng batang Yulo, na aminadong may mga routine siyang hindi naisagawa nang maayos.
Sa horizontal bar, ika-siyam si Eldrew sa 13.433 puntos ngunit nakapasok pa rin sa finals dahil dalawang atleta lamang bawat National Olympic Committee (NOC) ang maaaring umabante.
Nagtapos si Carlos sa ika-10 puwesto sa individual all-around sa 75.465 puntos, habang ika-walo si Eldrew sa 77.264 puntos.
Nakapasok din sa vault final ang Southeast Asian Games gold medalist na si Miguel Besana, na ikaapat sa qualifying na may 13.933 puntos.
Sa team event, pumuwesto ang Team Philippines sa ika-6 na may 232.093 puntos. (POC Media Pool)
