SUMIKLAB agad ang Gilas Pilipinas Men’s 3×3 sa pagbubukas ng 2026 Aichi-Nagoya Asian Games matapos walisin ang unang dalawang laro para sa 2-0 kartada sa Group A nitong Lunes.
Pinabagsak ng batang koponan ng Pilipinas ang Mongolia, 19-12, sa unang laro bago nilampaso ang Sri Lanka, 21-12, para sa perpektong simula sa torneo.
Binubuo ng mga manlalaro mula sa UAAP at MPBL, agad ipinakita ng Gilas ang tikas laban sa Mongolia na isa sa mga beteranong puwersa sa Asian 3×3 scene.
Kumamada ang Pilipinas ng 55 porsiyentong shooting mula sa field sa kabila ng malakas na hangin, kumpara sa 27 porsiyento ng Mongolia. Nanaig din ang Gilas sa rebounds, 22-18.
Nanguna si Nic Cabanero ng Binan Tatak Gel sa MPBL sa opensiba, habang walang mintis si University of Santo Tomas (UST) standout Koji Buenaflor sa 1-point line, matapos maipasok ang lahat ng anim niyang tira.
Sa ikalawang laro, kinailangan munang makabawi ng Gilas mula sa mabagal na simula bago tuluyang kontrolin ang Sri Lanka, 21-12.
“‘Yung defense talaga ang nagdala sa panalo. Nag-struggle kami sa start, pero hindi kung paano ka nagsimula kundi kung paano mo tinapos ang laro,” ani Cabanero.
Nang kumapit ang depensa, pitong minuto at 12 segundo lamang ang kinailangan ng Pilipinas para maabot ang 21-point target, matapos kumana ng mataas na 67 porsiyentong shooting.
Muling nanguna si Cabanero sa 8 puntos at 6 rebounds, habang tig-6 puntos sina La Salle forward Manuel Pablo at Buenaflor.
Susunod na haharapin ng Gilas ang Kazakhstan sa Miyerkules, kung saan ang panalo ay magbibigay sa Pilipinas ng tiket sa quarterfinals.
“Grateful kami na nakuha namin ang 2-0 win, pero crucial part na ito. Kailangan naming mag-move on dahil umpisa pa lang ito,” ani Pablo. (POC/HNT)
