ISANG malaking hakbang para sa patuloy na pag-angat ng pickleball sa bansa ang isinara ng Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT) at Solar Sports matapos pormal na lumagda sa isang landmark partnership na ginanap sa Solar Century Tower, Penthouse 2, sa Makati City.
Hahataw ang kauna-unahang Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT) na suportado ng boxing legend Founder at Chairman na si Manny Pacquiao, sa unang leg nito sa Oktubre 3-4 sa Angeles City, Pampanga.
Sa ginanap na signing ceremony sa Solar, nagsanib-puwersa ang mga opisyal at legal team ng dalawang grupo para itulak lalo ang mabilis na paglago ng pickleball sa Pilipinas.
Sa ilalim ng kasunduan, mapapanood ng mga Pinoy ang mga pangunahing torneo at aksiyon ng MPPT sa telebisyon at digital platforms ng Solar Sports.
Ipinahayag ni Solar Sports President Wilson Tieng ang buong suporta ng network sa bagong partnership.
“This partnership marks a thrilling new chapter for Philippine sports as we proudly welcome the Maharlika Pilipinas Pickleball Tour to our lineup,” ani Tieng.
Dagdag niya, nakatuon ang Solar Sports sa pagtatampok ng mabilis at kapana-panabik na mga sports, kaya malaking oportunidad ang pickleball upang mas marami pang Pilipino ang maabot.
Samantala, sinabi ni MPPT Commissioner Mark Espinosa na malaking tulong ang partnership sa mga manlalaro, torneo at tagahanga ng pickleball.
“Working alongside Solar Sports is a game-changer that elevates our players, tournaments, and fans to unprecedented heights,” pahayag ni Espinosa.
Ayon naman kay Alex Aime, MPPT Head of Business Development, magbubukas ang kasunduan ng mas maraming oportunidad para sa komersiyal at pangkaunlarang aspeto ng pickleball, tungo sa mas matatag na kinabukasan ng sport.
Kabilang din sa naging bahagi ng kasunduan sina Solar Sports CFO at COO Kenneth Yumang at Chief Legal Counsel Atty. Valerie Grace Domantay, habang kinatawan naman ng MPPT sa legal proceedings si Atty. Justin Andrew Yanez.
Dahil sa bagong partnership, inaasahang mas lalawak ang coverage ng mga torneo ng MPPT at mas maraming manlalaro at tagahanga ang maaabot ng mabilis na sumisikat na pickleball.
Mas malaking aksiyon, mas malawak na coverage at mas matinding pickleball—ito ang bagong yugto ng MPPT at Solar Sports.
