NAGSAMA-SAMA ang iba’t ibang artista, musikero, at influencer sa panawagan para sa pagsasabatas ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act ni Senator Bam Aquino, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill, para itaguyod ang transparency at makatulong na puksain ang korapsiyon sa pondo ng pamahalaan.
“Kapag malinaw ang paggamit ng pondo, mas mahirap itong abusuhin at mas tumataas ang tiwala ng publiko,” pahayag ng beteranong aktor na si Edu Manzanokasabay ng pag-share sa Facebook post ni Sen. Bam na nananawagan para sa pagpasa ng CADENA Act sa House of Representatives.
Naaprubahan sa Senado ang Senate Bill No. 1506 ni Sen. Bam noong Disyembre 2025 sa botong 17-0, ngunit nananatiling nakabinbin ang bersyon nito sa Kamara sa kabila ng sertipikasyon ng Malacañang bilang priority measure.
“Hindi dapat puro resiliency. Kailangan natin ng transparency at pananagutan,” wika ng radio host na si DJ JhaiHo at digital creator na si Aviona Starr sa kani-kanilang personal na Facebook pages.
“Prioritize CADENA Bill!!,” pahayag naman ng volleyball player at content creator na si Lexi Mercader.
“Dapat naman talaga!!! Ipasa na ‘yan para malaman na ang totoong malasakit sa bayan!” giit ng vlogger na si Kimifierce.
“Sana maipasa na ‘yung CADENA. Blockchain the budget now!” wika ng rapper na si Pio Balbuena bilang tugon sa post ni Aquino, matapos ibahagi ng mambabatas sa kanyang Facebook page ang music video ni Balbuena para sa Baha Rap Challenge.
Kabilang pa sa mga artistang nagbahagi o nag-like sa post ni Sen. Bam na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng CADENA Act sa pagpuksa ng korapsiyon at pagtataguyod ng transparency sa pamahalaan sina Cinemalaya Best Actress Pokwang, RiverMaya frontman at drummer Mark Escueta, theater actor Phi Palmos, dating Pinoy Big Brother (PBB) housemate Justin Dizon, comedienne at actress Inah Evans, influencer Andrea Guevarra, athlete at entrepreneur Enzo Bonoan, Moy Ortiz ng The Company, singer Cooky Chua, host Mela Habijan, at musician Aiman Borres.
Inaatasan ng CADENA Act ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na mag-upload at regular na magpanatili ng mga detalyadong dokumentong may kaugnayan sa badyet—kabilang ang mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials, at mga rekord ng procurement—sa isang Digital Budget Platform.
Idinisenyo ang sistema upang matiyak na ang lahat ng file ay pampublikong maa-access, mahirap pakialaman, nasusubaybayan, open-source, at maaaring beripikahin. Maaaring maharap sa mga administratibo at kriminal na parusa ang mga opisyal ng pamahalaan na mabibigong isiwalat ang mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng mapanlinlang na impormasyon.
