SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
PINURI ni Senador Bam Aquino ang limang Filipino dance crew na nag-uwi ng mga medalya at nagpakita ng husay ng mga Filipino sa 2026 World Hip Hop Dance Championship na ginanap mula Hulyo 25 hanggang Agosto 1 sa Phoenix, Arizona.
Naghain si Sen. Bam ng Senate Resolution No. 591 para batiin at kilalanin ang natatanging performance ng Femme MNL, HQ, The Crew, Folk Jumpers, at Sayawatha Jr. sa pandaigdigang kompetisyong inorganisa ng Hip Hop International.
Nagkampeon ang Femme MNL sa Megacrew Division, habang nanguna naman ang HQ sa Adult Division. Nasungkit ng The Crew ang silver medal sa Megacrew Division, na nagbigay sa Pilipinas ng 1-2 finish sa nasabing division.
Samantala, nagkamit ng bronze medal ang Folk Jumpers at Sayawatha Jr. sa Adult at Junior divisions, ayon sa pagkakasunod.
Kinatawan din ng A-Kidz, Sayawatha, NDDU Generals, A-Gyalz, A-Boiz, at UNRVLD ang Pilipinas sa iba’t ibang division, na ipinakita nila ang husay sa sining, pagkamalikhain, disiplina, at sportsmanship ng mga Filipino sa pandaigdigang entablado.
Ayon kay Sen. Bam, ipinakikita ng mga tagumpay ng mga Filipino dance crew ang lumalaking impluwensiya at kahusayan ng Pilipinas sa pandaigdigang dance community.
“The continued success of Filipino dance crews in international hip hop competitions affirms the Philippines’ reputation for producing exceptional dance talent and highlights the country’s vibrant creative sector, whose artists continue to elevate Filipino culture and creativity on the world stage,” ani Sen. Bam.
Kinikilala rin sa resolusyon ang mahalagang papel ng mga coach, choreographer, mentor, pamilya, dance organization, at mga tagasuporta sa paghubog ng talento ng mga Filipino at pagtulong sa mga lokal na performer na makipagtagisan ng galing at magtagumpay sa pinakamataas na antas.
“These accomplishments inspire young Filipinos to pursue excellence in the performing arts and reaffirm the importance of supporting dance as a platform for creativity, cultural expression, and talent development,” wika niya.
Bilang masugid na tagasuporta ng talento ng mga Filipino at ng creative industry ng bansa, pinuri kamakailan ni Sen. Bam ang P-pop group na SB19 at Nation’s Girl Group na BINI dahil sa kanilang mga tagumpay at sa pagbibigay ng karangalan sa Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
Naghain si Sen. Bam ng Senate Resolution No. 545 upang batiin ang SB19 matapos ang kanilang pagtatanghal sa Lollapalooza, isa sa mga nangungunang taunang music festival sa mundo noong Hulyo 30, 2026, sa Grant Park sa Chicago, Illinois.
Naghain din siya ng Senate Resolution No. 370 upang parangalan ang Nation’s Girl Group na BINI para sa makasaysayang pagtatanghal nito sa Coachella Valley Music and Arts Festival, na sila ang naging kauna-unahang all-Filipino group na nagtanghal sa kilalang pandaigdigang music festival sa Indio, California.
Bahagi ng five-point agenda ni Sen. Bam bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship ang pagpapalakas ng creative economy ng bansa, lalo ang pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga Filipino artist, creator, filmmaker, designer, at iba pang creative professional sa pandaigdigang merkado.
Layunin ni Sen. Bam na magtatag ng isang ahensiya ng pamahalaan na nakatuon sa pagsuporta at pagtataguyod ng creative industries ng bansa, na katulad ng Korea Creative Content Agency (KOCCA) ng South Korea.
