Ang ginawa ng Tsina sa Seoul Defense Dialogue ay pambubully, hindi diplomasya.
Kahit sa isang pormal na pandaigdigang forum, pinili ng Beijing na ipilit ang posisyon nito sa pamamagitan ng isang sulat na iniabot kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. habang nagsasalita ito.
Muling tinawag sa sulat na “illegal, null and void” ang 2016 South China Sea arbitral ruling at sinabing wala itong “binding force.”
Hindi ito pinalampas ni Teodoro.
Nang kuwestiyunin ang legalidad ng arbitration, direkta siyang sumagot:
“So what you signed, UNCLOS, you mean violates international law. That’s what you mean.”
Nang igiit na walang bisa ang Award:
“Because you don’t want to be subjected to UNCLOS.”
At nang sabihin ng Beijing na hindi nito kinikilala ang Award:
“Of course, because you lost.”
Tinawag ni Teodoro ang ginawa ng Tsina:
“This is actual coercion, bullying and aggression.”
Kinuwestiyon din niya ang kawalan ng respeto sa isang forum na hino-host ng South Korea at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa.
Para kay Chairman Goitia, nilantad ng insidente ang kahinaan ng posisyon ng Tsina.
“Maaaring gamitin ng Tsina ang kapangyarihan nito para manakot, pero hindi nito kayang gamitin ang kapangyarihang iyon para baguhin ang batas. Hindi yuyuko ang Pilipinas sa pambubully, dahil hindi Tsina ang magdidikta sa ating soberanya.”
Dagdag niya:
“Ang pambubully ay hindi tanda ng lakas. Tanda ito ng takot. Kung matatag ang iyong paninindigan, kaya mo itong ipagtanggol gamit ang katotohanan at batas. Hindi mo kailangang manakot ng iba.”
Malaki ang kapangyarihang militar at ekonomiya ng Tsina. Ngunit hindi nagiging tama ang isang pag-aangkin dahil lamang malakas ang bansang gumagawa nito.
Ang 2016 Award ay inilabas sa ilalim ng UNCLOS. Walang pananakot o pressure sa isang forum sa Seoul ang makapagpapabago sa naging pasya ng tribunal.
Hindi lang basta inulit ng Beijing ang posisyon nito. Ipinilit nito ang mensahe habang nagsasalita si Teodoro, sa isang forum na hino-host ng ibang bansa, at sa harap ng iba pang mga delegasyon.
Ang isang posisyong tunay na matatag ay hindi kailangang ipilit sa ganitong paraan.
Maaaring tanggihan ng Tsina ang Award at paulit-ulit na sabihin ang posisyon nito. Ngunit hindi nagiging legal ang isang pag-aangkin dahil lamang paulit-ulit itong sinasabi.
Hindi umatras si Teodoro sa Seoul. Hindi rin uurong ang Pilipinas saanman at kailanman sa pagtatanggol sa ating soberanya.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay nagtapos ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA, at MBA.(( BONG SON ))
