HARD TALK
ni Pilar Mateo
HUMATAW sila at sumikat sa mga kantang hindi lang iisa ang ibig sabihin.
Naughty. Sexy. Gaya ng mga personalidad na ipinakilala ng bawat miyembro na binuo bilang Maskulados.
Guwapo. Matipuno ang mga katawan. May kanya-kanyang karisma. Na noong pumaimbulog sila sa larangan ng musika–lahat ng klase—babae man o lalaki–bakla, tomboy- bata o matanda, nahumaling sa kanila.
Kung nagkaroon ng Sexbomb at Viva Hot Babes, sila ang katumbas ng mga ito.
Henyo naman kasi sa pagpapa-ingay sa kanila ang naging manager na isang mahusay na direktor na si Maryo J. delos Reyes.
Alam nito kung paano sila mangingiliti at manliligaw sa kanilang audience.
At dumating ang mga kanta. Ang lakas ng dating. Sumu-sold out. Kaya kakambal niyon ang paglalagare nila sa kabi-kabilang shows dito, sa karatig na mga lalawigan hanggang ibang bansa.
At dahil direktor ang manager, ‘di malayong maging mga aktor sila.
But there comes a point when one needs to take a respite.
Sabi nga ni Orlando Sol (2010), ang isa sa mga naunang miyembro na hanggang ngayon eh, aktibo pa rin, “Hindi naman kami kumbaga na-disband o nagwatak-watak. Mayroon lang kinailangang mag-abroad, mag-aral, magtrabaho. Dumating pa ang pandemya. Pero sa kabila niyon, paunti-unti pa ring nakabangon at kahit paano may mga show na ginawa.”
Para sa OG na si Enrico Mofar (2003), “Malaking sakit noong mawala si direk Maryo. Kasi ‘pag may pelikula, kahit wala kaming gigs, may trabaho pa rin. At dala pa rin namin ang mga paalala niya sa amin.”
Sabi naman ni Robin Robel (2003), “Malaki ang pasalamat namin kina Sir Ramon Chuaying and Ma’am Kathleen Dy-Go kasi may panibagong pagkakataong binuksan sa amin ang Universal Records, sa pagbibigay ng bagong kanta. At alaga pa rin kami lalo na sa choreography ni Ms. Geleen Eugenio and her team uli. Kailangan talaga na ayusin namin ang physique namin na nagustuhan din sa amin ng tao. Nadagdagan man ang edad, eh laban pa rin.”
Masaya ang launch ng UR na ginanap sa Noctos Bar para sa kantang Saging. Parang ang lakas daw na kasunod ng hanggang ngayon eh, maingay pa rin na Jumbo Hotdog, sampu ng iba pang kanta na gaya ng Macho Papa, Sana Mama, Lagot Ka, at marami pa na ‘di na kalilimutan ng madla.
Okay naman ang paliwanag nila sa Saging. Kasi parte raw ito ng kinakain nila before o after nila mag-gym. Kinakain with their energy or protein drinks.
Anim pa rin sila kasama ang mga mula sa tao’ng 2010 na si Nico Cordova, David Karell (2015), at Richard Yumul. Ang iba pa, na siyam ay may iba na ngang buhay.
Excited na dahil rarampa na rin sila sa mga show at concerts abroad gaya ng Australia sa darating na Oktubre 2026!
Gaya ng mga nauna na nilang piyesa ang Saging eh tiyaj magiging isa na namang hit sa dating nito—sa tono, may recall, mae-LSS ka, iindak-ang tatak na niyakap sa Masculados.
Abang na sa sari-saring music platforms. Pati na ang kaiga-igayang music video done by the legendary Geleen!
