ARESTADO ang limang indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng mga expired na pagkain sa Quiapo, Maynila matapos ang isinagawang operasyon ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT).
Sa programang Talk To The People, iniharap ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga suspek na pawang mga vendor na nahuling nagtitinda ng mga expired na produkto.
Ayon kay PCol. Edward Samonte, hepe ng SMaRT, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang asset hinggil sa talamak na bentahan ng expired goods sa lugar. Agad na ikinasa ang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga expired na produkto na tinatayang nagkakahalaga ng ₱950,000.
Sa isinagawang imbestigasyon, itinuro ng mga suspek ang kanilang amo na si Marivic Jaime, na umano’y may-ari ng tindahang kanilang pinapasukan.
Ayon kay Mayor Isko, hindi niya pinalampas ang naturang ulat dahil sa matinding panganib na dulot ng mga expired na pagkain sa kalusugan ng publiko.
Nagpaalala rin siya sa publiko na maging mapanuri sa mga binibiling pagkain.
“Mag-ingat kayo, hindi porke’t mura ay ligtas nang kainin,” paalala ng alkalde.
Patuloy ang kampanya ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila laban sa mga mapanlinlang at iligal na gawain upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Manileño. (BONG SON)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com