Carmelle 1st Grand Champion sa Eurovision Asia

Carmelle Collado Eurovision

WAGI bilang kauna-unahang champion sa Eurovision Song Contest Asia ang dating Tawag ng Tanghalan champion at Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 housemate na si Carmelle Collado.

Nanguna siya sa boto ng mga hurado at nakakuha ng 93 puntos at nanguna rin sa boto ng mga manonood na nagbigay sa kanya ng 118 puntos, kaya nasungkit niya ang kabuuang 211 puntos at pinangalanang Eurovision Asia 2026 winner.

Buong ningning na ipinakita ni Carmelle ang hindi matatawarang talento ng Filipino sa international stage noong November 14, sa Bangkok, Thailand.

Kaya nakuha niya ang atensyon ng mga manonood worldwide at nagpabilib sa kanyang galing sa pag-awit ng Sobra-Sobra na isinulat nina Nica del Rosario at Mat Olavides na prodyus din ni Olavides at ni ABS-CBN Music Creative director Jonathan Manalo.

Lalo pang nakatawag-pansin din ang husay sa pagsayaw at pag-rap ni Carmelle.

Nagbigay din ng tribute ang kanyang performance sa mga iconic na Pinay sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang mga pangalan sa stage.

Nagwagi ang Kapamilya artist laban sa 10 iba pang finalist mula sa Vietnam, Cambodia, Laos, Mongolia, Bhutan, Bangladesh, Thailand, Republic of Korea, Nepal, at Malaysia. 

Suportado ang Eurovision journey ng dalaga ng ABS-CBN at ng kanyang music label na Star Music, na patuloy na nagbibida ng OPM at nagpapakilala ng Filipino artists sa global stage.

Nakilala si Carmelle bilang “Tawag ng Tanghalan: The School Showdown” champion sa It’s Showtime noong 2025. 

Bago ito, naging 1st runner up din siya sa The Voice Kids Philippines season 4 at nagwagi ng pitong gold medals mula sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) noong 2019. 

Nanalo rin siya mula sa 10 contender sa ginawang Philippine Selection Night para sa Eurovision Asia noong Agosto.

Nagsilbing selebrasyon ng musika at kultura sa Asya ang kauna-unahang 

Eurovision Song Contest Asia.

Ipinagpapatuloy nito ang legacy ng Eurovision, ang longest-running annual international television music competition na mula sa European Broadcasting Union.

Napanood ang Eurovision Asia sa Pilipinas sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN na nagsilbing broadcast partner nito sa bansa. (MValdez)