NAMAHAGI ng 50 plastic container ng diesel—tinatayang anim na litro bawat isa—ang Pinoy vlogger at pilantropo na si Boss Toyo sa mga tsuper ng pampasaherong jeep sa Kamias, Quezon City nitong Martes ng umaga, 14 Abril 2026.
Ayon kay Jayson Jay Luzadas o mas kilala bilang Boss Toyo, isinagawa niya ang “gas pantry” bilang ayuda sa mga tsuper na apektado ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensiyon sa Middle East.
Ito na ang ika-anim na beses na namahagi siya ng libreng gasolina, kasunod ng pagtulong niya sa mga driver ng tricycle at motorsiklo na Tig 1.5 liter nitong nakaraang linggo.
Dagdag niya, naisakatuparan ang inisyatiba sa tulong ng kanyang mga kaibigan na nagbigay ng donasyon para sa pambili ng diesel.
Hinikayat din ni Boss Toyo ang publiko na umagapay sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan upang matiyak ang tuloy-tuloy at hindi naaantalang serbisyo sa mga commuter. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com