SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINDI halos makapagsalita si Fyang Smith sa papuring inilahad sa kanya ni Ms Roselle Monteverde sa mediacon ng pagbibidahan nilang pelikula ni JM Ibarra, ang Almost Us na ginanap sa Valencia Events Place.
Inihalintulad kasi ng Regal Entertainment executive si Fyang sa original Regal Baby at award-winning actress at Diamond Star na si Maricel Soriano.
“Fyang reminds me of Maricel Soriano, I am not kidding. I grew up with Maricel, natutuwa ako sa bata ‘pag pinanonood ko. Bawat galaw natatawa ako,” wikang papuri ni Roselle kay Fyang.
Ang Almost Us ay collaboration ng Regal Entertainment nina Roselle at Kit Monteverde at Project 8 Projects ni Dan Villegas na siya ring direktor ng pelikula.
Ang mga mata naman ni JM ang napuri ni Roselle. Anito, “JM has the eyes na talagang, the way he does his acting, mararamdaman mo talaga. It is so natural. Parang they are not acting.”
Puring-puri rin ng lady boss ang acting ng
dalawa. At dahil sa galing napaiyak siya ng mga ito.
“I got carried away sa mga eksena, especially one scene. Seriously napaiyak niyo ako,” sabi pa ni Roselle.
Dahil sa magagandang tinuran ni Roselle halos hindi nakapagsalita si Fyang at nasabi na lang na na-pressure siya at natakot.
“Speechless ako. Maraming salamat po. Nahiya ako,” anang magandang dalaga.
Puro pasasalamat naman ang isinagot ni JM sa papuri ni Roselle.
Sa kabilang banda, hindi na kami nagtaka nang sabihin din ni direk Dan na siya mismo ang pumili kina JM at Fyang.
“Na-in love ako sa dalawa. Na-impress talaga ako sa Cinemalaya,” anang direktor na ang tinutukoy ay angCinemalaya movie ng dalawa na Child No.82 na marami rin ang nagkagusto at humanga.
“Alam mo ‘yung one of those times na nagsimula ka sa isang video tapos maya-maya 4:00 a.m. na pala tapos puro JMFyang ‘yung pinanonood mo. Sabi ko, I really want to work with these kids,” giit ni Direk Dan.
Showing na ang Almost Us sa lahat ng sinehan nationwide simula sa May 6. Kasama rin sa movie sina Dustin Yu, Yuki Takahashi, at marami pang iba.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com