SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NANGINGITI at natatawa si Sylvia Sanchez nang uriratin namin siya sa paglulunsad ng Nathan Studios Artist Management ng kanilang mga alaga noong February 3 sa Salu-Salo Events Place kung totoo nga ba ang kumakalat na tsikang tatakbo siyang mayor ng Quezon City.
Aktibo kasing tumutulong si Sylvia sa mga constituent ng District 1 sa Quezon City. Ito ang distritong pinaglilingkuran ng kanyang anak na si Congressman Arjo Atayde. Madalas nakikita ang aktres na nagbabahagi ng tulong, may baha man o may nasunugan o anumang sakuna mabilis na nagdadala ng tulong ang ina ng kongresista.
Present din ang premyadong aktres sa mga medical mission, feeding program at iba pa. Kaya naman naman nababahiran iyon ng ibang espekulasyon. May plano umanong tumakbo ni Sylvia sa Eleksyon 2028 sa pagka-mayor ng Quezon City.
Paglilinaw ni Sylvia, hindi niya alam kung saan nanggagaling ang mga ganitong klase ng balita at kung sino ang nagpapalutang nito.
“Paano ako magme-mayor ng Quezon City, eh, hindi nga ako naging kagawad,” natatawang tugon ng aktres.
“Ano ba ‘yun? Mag-kagawad muna ako. Start muna sa mababa.
“Hindi nga ako nag-SK, eh. Kagawad, kapitan, muna bago mag-mayor,” giit pa ng ina ng kongresista.
Samantala, pumirma ng kontrata sa Nathan Studios ang mga batang may Down Syndrome na bumida sa pelikulang I’m Perfect na nagwaging Best Picture sa Metro Manila Film Festival 2025.
“Akala ko, ang calling ko, politics, hindi pala. Ito pala. Kasi matagal na ito sa puso ko na alam ko mayroon…nararamdaman ko kasi na mayroon talagang grupo na matutulungan ko, may ganoong calling.
“Ito ‘yung calling ko, sa mga Down Syndrome hindi ‘yung pagka-mayor.
“Nagtataka ako, ilang beses ako na nagkasakit, walang nangyari. Ito pa rin, buhay. May misyon. Ano ‘yung misyon? Ito pala ‘yun,” wika pa ni Ibyang (tawag kay Sylvia).
“Habang ginagawa ko ‘yung movie, noong ibinigay sa akin ni Direk Sigrid (Andrea Bernardo) ‘yung script, wala pa. Sabi ko, ‘Ay! Gusto ko itong gawin.’
“But for the whole year na ginagawa namin, October 2024 hanggang August 2025, pumasok na, eh. So, I think, ito na talaga. Ito na ‘yung calling ko.
“Hindi na nahihiwalay ‘yung mga bata sa akin. Tapos ang daming mga block screening. Ang dami pa nilang ginagawa, until now. Hindi talaga kami maghihiwalay.
“Tapos, lalaban pa kami sa mga kung ano-anong festival. Tapos mayroon din dito sa Pilipinas. So buong taon, magkakasama. So sabi ko, eh, sila pala talaga ‘yung misyon ko,” anang aktres.
Kasama sa pagpirma ng kontrata ng siyam na bida ng I’m Perfectsa Nathan Studios Artist Management si Ice Almeria, ang unang champion ng reality show na Time To Dance na napanood sa ABS-CBN noong 2025.
Bale tatlong taon ang kontrata ng mga batang may Down Syndrome sa pangunguna nina Krystel Go, Earl, Amaba, Carl Garcia, Angela Batallones, Bea Mendoza, Javi Sarmiento, Royce Rivera at Gio Dicen.
Ang mga kids with DS mismo ang pumirma sa kanilang mga kontrata kasama ang kanilang mga magulang. Kitang-kita ang kasiyahan sa mga ito habang pumipirma ng kontrata.
Labis-labis nga ang pagpapasalamat ng mga magulang ng mga bumida sa I’m Perfect dahil ang pangarap lang nilang mapanood ang kani-kanilang mga anak ay tinupad ng Nathan Studios.
Napag-alaman naming gagawa ng comedy series ang I’m Perfect cast na si Direk Sigrid Andrea Bernardo muli ang direktor at muling susulat ng script.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com