SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
BENTAHE ng mga artistang politiko ang pagiging sikat. Kaya hindi na kataka-taka kung pagkaguluhan sila. Tulad ni Senador Lito Lapid, re-electionist bilang senador sa 2025 mid-term elections sa Mayo nang dumalaw ito sa South Cotabato kamakailan.
Sinuyod ng Ang Supremo ng Senado, Sen Lito ang ilang bayan sa South Cotabato. inikutan nito ang mga palengke at ilang barangay sa Koronadal City, Polomolok, at General Santos City na magiliw at malugod siyang sinalubong ng mga tao.
Ani Lito sa mga taga-South Cotabato, isusulong niya ang pagpapalago ng turismo kabilang na ang medical at agri-tourism para makalikha ng hanapbuhay sa mga taga-roon.
Isa sa mga nakikita ng senador na maaaring palakasin at palawigin pa ay ang industriya ng Tuna dahil 80 porsiyento ng tuna ay nanggagaling sa SOCCKSARGEN at ini-export sa ibang bansa.
Aniya, maaari itong maging tourist attraction na tiyak magbibigay ng mas marami pang trabaho sa mga taga-SOCCKSARGEN. Gaya na lamang pagpapakilala sa iba’t ibang putahe ng Tuna na maaring ialok sa mga turistang dayuhan o lokal.
Si Sen Lito ang may akda ng bill na nagdedeklara sa Pampanga bilang Culinary Capital of the Philippines na nakatakdang pirmahan ni President Ferdinand Marcos Jr..
Nilibot din ni Sen Lito ang mga bayan ng Alabel, Malapatan, at Glan, Saranggani na magiliw siyang sinalubong ng mga residente. Kasama sina dating Sen. Manny Pacquiao, Saranggani Governor Roel Pacquiao, at GenSan Mayor Lorelie Pacquiao, dumalo naman si Lapid sa pagdiriwang ng Kalilangan Festival sa lungsod noong Huwebes ng gabi.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com