MA at PA
ni Rommel Placente
NANAWAGAN sa publiko si Allan K, isa sa host ng Eat Bulaga sa lahat ng gumagawa ng prank at fake booking. Aniya, tigilan na sana ng mga tao ang panloloko sa mga delivery riders na naghahanap-buhay ng marangal para sa kanilang pamilya, pero nagagawa pang lokohin.
Sinabi ito ni Allan sa segment ng EB na Bawal Judmental after marinig ang kuwento ni Rhic na isang delivery rider, na guest sa nasabing segment.
Ayon kasi kay Rhic, umabot sa P2,800 ang halaga ng inabonahan niya matapos mabiktima ng fake booking.
Kuwento niya, marami raw talagang nagpapa-book online pero pagdating nila sa lugar na nakalagay sa booking ay wala naman pala. Ang pinakamalayong lugar na napuntahan daw niya ay nasa 12 kilometro.
“Minsan talo po kasi kapag sobrang layo, traffic po. Sobrang nakakapagod po talaga. Kasi kailangan ko pong kumayod kasi nakaasa po ‘yung pamilya ko sa akin. ‘Yung lolo ko po kasi maysakit, may stage 4 cancer,” sabi ni Rhic.
Nakakaawa rin naman talaga minsan ang mga delivery rider.