SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“IGINAGALANG ko ang desisyon ni Sen. Ping Lacson na magbitiw sa Partido Reporma.” Ito ang inihayag ni Monsour del Rosario kasunod ng pagbibitiw ni Presidential candidate Sen. Ping Lacson bilang chairman at miyembro ng Partido ng Demokratikong Reporma.
Ani Monsour, “Siya (Sen. Ping) ay isang mabuting tao na may tapat na puso at taospusong hangarin na maglingkod sa sambayanang Filipino. Naniniwala ako na marami pa siyang magagawang mabuti para sa ating bansa, at ang aking kahilingan para sa kanya ay pawang kabutihan lamang.”
At tulad ni Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez, na nagpasyang mag-endoso ng ibang presidential candidate, ineendoso ni senatorial candidate Monsour si VP Leni Robredo.
“Ngayon, ibinibigay ko ang aking suporta sa ating kagalang-galang na Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang hangarin na maging susunod na Pangulo ng Pilipinas.
“Naniniwala ako na ang kanyang misyon upang baguhin at iangat ang bansa ay naaayon sa sarili kong kagustuhan para magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng ordinaryong Filipino, lalo na ang mga napabayaan ng mga nakaraang administrasyon.”
Sinabi pa ni Monsour na, “dalangin ko na ang aming pananaw na makita ang isang mas magandang Pilipinas at mas magandang kalagayan ng pamumuhay para sa bawat Filipino – lalaki man, babae, o bata – ay maisakatuparan. Umaasa ako na anuman ang resulta ng halalan sa Mayo 9 ay magiging simula ng tunay na pag-unlad na patas at kaakibat ang lahat.”
Tuloy pa rin ang pagtakbo ni Monsour bilang senador sa ilalim ng Partido Reporma.
“Tungkol naman sa aking kandidatura, diringgin ko ang salita ni dating Pangulong Manuel L. Quezon: ‘Ang aking katapatan sa alinmang paksyon ay nagtatapos kung saan nagsisimula ang aking katapatan sa bayan.’
“At ngayon ay narito ako upang sagutin ang panawagan ng bansa para sa pagkakaisa at makiisa sa kilusan para sa tunay na pagkakaisa,” giit pa ng aktor/politiko.