NABIBIGYAN ng kulay ang samahan ng Belladonnas sa all-male group na Clique V dahil pareho silang hawak ng 3:16 Events & Talent Management na ang Presidente ay si Len Carillo.
Malapit sila sa isa’t isa pero bawal na magligawan. Mahigpit na regulasyon na magkakapatid lang ang dapat na turingan.
Masunurin naman ang mga bagets dahil ayaw din nilang masita at maparusahan ng kanilang manager. Hindi rin nila pinangarap na matsugi sa grupo kaya walang talo-talo sa kanila. Career muna ang dapat atupagin.
Samantala, ang laki ng improvement ng Clique V nang makita naming mag-perform sa birthday party ng mga anak ng Lord of Scents na si Joel Cruz sa Tagaytay. Class silang mag-perform at hindi putso-putso. Puwedeng-puwede na talagang pakawalan ang nine members na kinabibilangan nina Sean, Marco, Rocky, Karl, Clay, Timmy Blaize, Kaizer, at Josh.
Ang Belladonas naman ay binubuo nina Quinn, Chloe, Rie, Xie, Jazzy, Stiff, at Phoebe . Kamakailan ay nagbakasyon sila sa Vietnam na nagpasabog sila ng kaseksihan sa yate habang nasa Ha Long Bay.
Havey ang kanilang music video para sa kantang Enjoy and Ride na isinulat ni Blanktape. May aabangan ding bagong music video na kinunan sa Clark, Pampanga na idinirehe naman ni Buboy Tan.
Nagsu-shooting na rin ngayon ang Belladonnas at Clique V ng isang advocacy film na idinirehe rin ni Tan.
(RFC)