HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang driver matapos masagasaan ng six-wheeler truck na hinihila ng isa pang sasakyan habang nakatayo sa labas ng nakaparadang refrigerated van sa Benigno S. Aquino Avenue, Barangay Tangos, Baliwag City, Bulacan, Miyerkoles ng umaga.
Sa ulat na nakarating kay Brig. Gen. Jess Mendez, regional director ng PRO3, kinilala ang biktima sa pangalang “Jimmy”, habang ugatan ang motorcycle rider na si “Grace” na kapuwa residente sa Candaba, Pampanga.
Sa imbestigasyon, dakong 6:40 ng umaga, habang nakatayo ang biktima sa tabi ng kanyang nakaparadang Hino refrigerated van, nang biglang mahagip ng isang closed van truck na hinihila ng isa pang six-wheeler truck.
Sinabing nakatulog ang driver ng hinihilang truck na kinilalang si “Jernie” kaya lumihis ang sasakyan sa kabilang linya at nasagasaan ang biktima.
Tinangkang umiwas ng paparating na motorsiklo na minamaneho ni Grace ngunit hindi naiwasang mabangga ang hulihang bahagi ng truck.
Isinugod ng mga nagrespondeng tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang driver ng refrigerated van sa Baliwag District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival samantala binigyan ng paunang lunas ang sugatang motorcycle rider. (MICKA BAUTISTA)
