Gutierrez: U15 Pinoy boys, may pantay na lakas sa mga dayuhang koponan

U15 Mens National Football Team FIFA

MANILA – Patunay na may kakayahang makipagsabayan sa mga dayuhang koponan ang mga homegrown Filipino footballer kapag nabibigyan ng sapat na pagkakataon at exposure.

Ito ang ipinagmalaki ni Philippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez makaraang magtapos sa ika-110 puwesto ang Philippine Under-15 Men’s National Football Team sa kauna-unahang FIFA U15 World Cup & Festival sa Baku, Azerbaijan.

Nagtala ang Pilipinas ng apat na panalo, isang tabla at limang pagkatalo sa 10 laro, para makalikom ng kabuuang 19 na goal sa torneo na nilahukan ng 189 bansa.

Pinataob ng Pinoy U15 squad ang Belize, 1-0, at Curacao, 8-1, sa group stage, bago muling nagwagi kontra Macau, 2-0, at Aruba, 5-2, sa classification stage. Nakipagtabla rin ang Pilipinas sa Zimbabwe, 2-2.

“Pinatunayan ng ating U15 na kayang makipagsabayan ng mga homegrown player sa mga koponan mula sa ibang kontinente kapag nabibigyan sila ng pagkakataon,” ani Gutierrez.

Ipinadala ng PFF ang koponang binuo pangunahin ng mga lokal na talento mula sa iba’t ibang Regional Football Associations (RFA), paaralan at football club. Ilan sa mga manlalaro ay sumabak din sa 2026 PFF U16 National Championship sa Bago City noong Mayo.

Ayon kay Gutierrez, mahalagang sukatan ang naging kampanya ng koponan sa kasalukuyang estado ng grassroots at youth football development sa bansa.

Binigyang-pugay din niya ang FIFA sa pangunguna ni President Gianni Infantino sa pagbuo ng torneo na nagbigay ng pagkakataon sa mga batang Pinoy na makaharap ang mga koponan mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dagdag pa niya, mas malinaw na ngayon ang direksiyon ng PFF sa paghubog ng mga world-class youth footballer mula sa mga lokal na asosasyon at club na maaaring makasabay sa mga Filipino heritage player sa hinaharap.

Pinuri rin ng PFF chief ang katatagan at determinasyon ng mga batang manlalaro sa kabila ng mabigat na iskedyul ng kompetisyon.

Hindi aniya umurong ang mga Pinoy sa pagharap sa malalakas at hindi pamilyar na kalaban, kabilang ang paglalaro ng limang laban sa loob lamang ng tatlong araw.

Ginamit din sa torneo ang 8-a-side format na isinusulong ng PFF at Department of Education (DepEd) sa mga grassroots competition sa bansa.

Naipatupad ito sa elementary football competition ng Palarong Pambansa noong Mayo 2026 at ginagamit din sa under-13 at under-11 divisions ng nagpapatuloy na PFF RFA Youth League.

Ayon kay Gutierrez, mas maraming pagkakataong mahawakan ng mga bata ang bola, makapagdesisyon at makaiskor sa 8-a-side format, dahilan upang mas mahasa ang kanilang kakayahan.

Nagpasalamat din siya kina coach Roxy Dorlas, coaching staff, mga pamilya ng atleta at mga tagasuporta sa naging kampanya ng koponan.

Binigyang-diin ni Gutierrez na nagsisilbing pundasyon ang karanasan sa Baku upang mas mapalakas pa ang programa ng Philippine football at maihanda ang susunod na henerasyon ng mga atletang Pinoy sa pandaigdigang entablado. (PSC/HNT)