Dinagat, naghahanda sa paglikha ng mga bagong national athletes

Dinagat Nilo Demerey Jr PSC Patrick Gregorio

SAN JOSE, Dinagat Islands – Mula sa mga barangay hanggang sa pambansang entablado, nais ng Dinagat Islands na maging susunod na balwarte ng mga atletang Pilipinong magbibigay karangalan sa bansa.

Ito ang ambisyosong layunin ni Gov. Nilo Demerey Jr. na naglalayong gawing regional training hub para sa combat at individual sports ang lalawigan, sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC).

Makasaysayan ang pagbisita ni PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio sa Dinagat dahil ito ang unang pagkakataong nagtungo ang komisyon sa lalawigan sa loob ng 36 na taon.

Personal na sinilip ni Gregorio ang mga programa at pasilidad na inihahanda ni Demerey, isang dating miyembro ng national karate team at maraming ulit nang national open champion.

“Personal kong nasaksihan na matibay ang sports program ng Dinagat. Buong-buo ang paniniwala ko na sa ilalim ng bisyon ni Governor Nilo, kayang makalikha ng lalawigan ng mga pambansang atleta,” ani Gregorio.

Sa kasalukuyan, nakasentro ang sports development program sa karate, wrestling, kickboxing at pencak silat na mayroon nang mga atletang nakapag-uwi ng medalya sa kabila ng limitadong pasilidad.

Plano rin ng lalawigan na palawakin ang pagsasanay sa tennis, swimming at track and field upang mas maraming kabataan ang mabigyan ng pagkakataong makapaglaro at umangat sa kompetisyon.

Ayon kay Demerey, hindi sapat ang talento lamang upang makipagsabayan sa mataas na antas ng kompetisyon. Kailangan din ang maayos na pasilidad, kagamitan at de-kalidad na pagsasanay mula sa mga coach.

Ipinagmamalaki rin ng gobernador ang potensiyal ng Dinagat bilang training center dahil sa tahimik na kapaligiran at limitadong distraksiyon sa isla.

Isa sa mga pangunahing plano ang pagpapatayo ng sports complex sa 12-ektaryang lupain na nakaharap sa Melgar Bay.

Kabilang sa mga nakalatag na plano ang international-standard track oval, athletics field o football pitch at Olympic-size swimming pool.

Kasama ni Gregorio sa pagbisita si Dick Carmona, trustee ng Philippine Aquatics Inc. at consultant ng Dinagat na tumutulong sa pagsusulong ng mga sports project ng lalawigan.

Nangako rin ang PSC chairman na tutuparin ang kanyang ipinangakong boxing ring para sa Dinagat at pag-aaralan ang posibleng tulong ng komisyon sa pagpapatayo ng sports complex.

“Pangako kong babalik ako at sisiguraduhin kong maihahatid natin ang boxing ring na ipinangako ko kay Governor Nilo,” saad ni Gregorio.

Patunay naman sa potensiyal ng lalawigan ang mga nagawa na nitong atleta. Sa kabila ng tatlong tennis court lamang sa buong probinsiya, nakapagluwal na ito ng bronze medalist sa Palarong Pambansa.

Ang karate program na limang taon pa lamang na naitatag ay mayroon na ring mga medalist sa national competitions.

Tatlong atleta mula sa karate at pencak silat ang kasalukuyang nangangarap na makapasok sa national training pool, habang may 50 kabataan naman sa development pool ng wrestling.

Patuloy ding umaani ng tagumpay sa regional competitions ang mga kickboxer ng lalawigan.

Binigyang-diin ni Gregorio na malaking tulong ang sports sa pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa mga kabataan, anuman ang kanilang estado sa buhay.

“Sports is the great equalizer. Walang mayaman, walang mahirap. Ang higit na nakikinabang ay ang mga nagmumula sa kahirapan,” pahayag niya.

Para kay Demerey, higit pa sa medalya ang naibibigay ng sports dahil nahuhubog nito ang disiplina, karakter at kakayahan ng kabataan na harapin ang mga pagsubok sa buhay.

Naniniwala ang gobernador na handa nang magpadala ng Dinagat ng mga atleta sa national team bunga ng mga programang patuloy nilang pinauunlad.

Gayunman, malaking hamon pa rin ang pagkakaroon ng makabagong pasilidad, sapat na training equipment at mahuhusay na coach upang tuluyang maisakatuparan ang pangarap na maging pugad ng mga susunod na pambansang atleta ang Dinagat Islands. (PSC/HNT)