PUSPUSAN ang pagpapalawak ng Philippine Roll Ball Association (PRBA) sa grassroots program nito sa bansa, kasabay ng pagsasaalang-alang na i-host sa Pilipinas ang Under-10 World Cup.
ITO ang ilan sa mga pangunahing plano at programa na ibinahagi ng mga opisyal ng PRBA sa lingguhang Usapang Sports Forum ng Tabloid Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS), sa PSC Conference room sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Maynila.
Ayon kay PRBA president Antonio “Tony” Ortega, patuloy silang nagdaragdag ng mga member club sa iba’t ibang lalawigan upang mas mapalawak ang partisipasyon sa roll ball.
Kabilang sa mga bagong club ang mula sa Lingayen, Anda at Binmaley sa Pangasinan; Coron, Culion at Salvacion sa Palawan; Bicol; Cainta; at San Luis, Pampanga. Muli ring naisaaktibo ang Pampanga chapter, habang pinag-aaralan naman ang posibleng pagpapalawak sa Iloilo.
Matapos ang pagsabak ng Philippine team sa 2025 World Cup noong Disyembre, pansamantala munang tututok ang PRBA sa pagpapalakas ng lokal na programa at paghahanda para sa 2027-2028 season.
Bilang bahagi nito, inilunsad ang kauna-unahang Luzon Friendship Cup noong Hunyo 27 sa Silvina Court sa Quezon City, na nilahukan ng apat na roll ball club mula sa Luzon.
“We applied the principle of one step backward, two steps forward. We are preparing for the 2027-2028 season,” ani Ortega, na nagpasalamat din sa suporta ng Philippine Sports Commission (PSC), mga senador at kongresista.
Ipinahayag din ni Ortega ang kasiyahan sa tagumpay ng mga kinatawan ng Pilipinas sa International Roll Ball Federation (IRBF) Referees Certification Examination. Ang forum ay suportado ng PSC, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine.
Sa walong Pilipinong kumuha ng pagsusulit, pito ang nakapasa, kabilang ang dalawa na nakakuha ng Grade of Distinction, apat na Grade A at isang Grade B.
Kabilang sa mga nakakuha ng distinction sina PRBA Secretary General Julius Sison at Dexter Sas.
Ayon kay Ortega, bahagi ito ng kanilang programa na magkaroon ng mga internationally certified coach at referee sa bansa. Hinikayat din niya ang mga physical education teacher na kumuha ng certification matapos sumailalim sa assessment ng PRBA.
Isa sa pinakamalaking plano ng asosasyon ang posibleng pagho-host ng Pilipinas sa Under-10 World Cup sa pakikipagtulungan sa PSC.
Gayunman, kailangan muna nilang pag-aralan ang mga umiiral na international regulations hinggil sa parental consent at paglahok ng mga batang atleta sa mga pandaigdigang kompetisyon. (HNT)
