SIARGAO — Nakatutok ang mata ng mundo sa Pilipinas sa pagsisimula ngayong araw ng kauna-unahang World Surf League (WSL) World Championship Philippines Pro sa sikat na Cloud 9 sa General Luna, Siargao.
Sa loob ng 10 araw, maghaharap ang mga mahuhusay na surfer sa prestihiyosong kompetisyon na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Surigao del Norte at lokal na pamahalaan ng General Luna.
Para kay PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio, isang malaking karangalan at makasaysayang pagkakataon ang pagdadala sa bansa ng pinakamataas na antas ng pandaigdigang surfing competition.
Hindi maitago ni Gregorio ang kanyang paghanga sa Siargao, na magsisilbing entablado ng mga pinakamahusay na surfer sa mundo.
“Speechless. I’m really speechless to be here in Siargao, the Philippines, hosting the highest level of surfing in the world, the WSL Championship Tour,” pahayag ni Gregorio sa press conference sa Cafe Loka.
Giit ng PSC chief, kailangang maipakita ng bansa ang kalidad ng mga alon sa Siargao gayundin ang mahusay na organisasyon at mainit na pagtanggap sa mga kalahok at dayuhang bisita.
Bukod sa kompetisyon, inaasahang magbibigay-sigla rin ang torneo sa turismo at kabuhayan ng mga taga-Siargao dahil sa pagdagsa ng mga atleta, opisyal at surfing enthusiasts mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Binigyang-diin ni Gregorio na hindi lamang medalya at titulo ang mahalaga sa pagho-host ng ganitong kalaking event kundi ang maipakilala rin ang Pilipinas bilang destinasyon ng world-class sporting events.
Nagpasalamat din siya sa suporta nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Vinny Marcos, gayundin ng mga ahensiya at sektor na tumulong maisakatuparan ang kompetisyon.
“Tagapagtaguyod lamang tayo ng magandang balita, pag-unlad at sports tourism sa bansa,” ani Gregorio.
Kabilang sa mga sumusuporta sa Philippines Pro ang PAGCOR, Department of Tourism (DOT), Department of Public Works and Highways (DPWH), Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at NEA/SIARELCO.
Sa pag-arangkada ng torneo, umaasa ang PSC na higit pang makikilala ang Siargao sa international surfing scene at mapapalakas ang posisyon ng Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng sports tourism. (PSC/HNT)
