DAKAR, Senegal — Pormal nang bubuksan sa Sabado ng gabi ang ikaapat na Youth Olympic Games (YOG) sa Senegal sa temang “Africa Welcomes, Dakar Celebrates,” kung saan siyam na batang atletang Pinoy ang umaasang makapagtatala ng magandang kampanya laban sa mahihigpit na karibal mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hindi itinago ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang hamon na kakaharapin ng Team Philippines, lalo’t kapansin-pansin umano ang pangangatawan at lakas ng mga atletang Amerikano at Europeo na naunang dumating sa host country.
“Malalaki sila at mukhang malalakas,” pahayag ni Tolentino matapos makita ang ilang kalahok sa Dakar.
“Napakahirap nito,” dagdag ng POC chief na kasama sa pagdating sa Senegal sina POC secretary-general Atty. Wharton Chan at chef de mission Rocky Samson.
Gayunman, umaasa si Tolentino na magbubunga ang masusing paghahanda ng mga batang Pinoy para sa kanilang mahalagang karanasan sa pandaigdigang entablado.
“Good luck sa ating mga atleta. Sigurado akong pinaghirapan nila ang paghahanda para sa minsanang pagkakataong ito,” aniya.
Unang dumating sa Athletes’ Village sina swimming bets Riannah Chantelle Coleman at Jamesray Michael Ajido, kasama ang kanilang coaches na sina Ramil Ilustre at Jensen Halili, gayundin ang wushu bet na si Angel Polo at coach Li Jianfang.
Sina Coleman at Ajido ang napiling flag-bearers ng Pilipinas sa parada ng mga atleta sa opening ceremony at makakasama nila sina Polo, Samson, Ilustre at Li.
Inaasahang darating naman sa Sabado sina artistic gymnasts Hillarion Palles III at Tchelzy Mei Maayo kasama ang coaches na sina Reyland Capellan at Kazutaka Hakamada.
Sa Nobyembre 4 naman nakatakdang dumating ang cycling bet na si Maritanya Krog kasama sina coaches Mark John Lexer Galedo at Marita Lucas, gayundin ang athletics bets na sina Pi Wangkay at Naomi Caesar kasama si coach Jasper Tanhueco.
May kabuuang mahigit 2,700 atleta mula sa iba’t ibang bansa ang lalahok sa unang Olympic sporting event na gaganapin sa kontinente ng Africa.
Ayon kay International Olympic Committee (IOC) president Kirsty Coventry, pagkakataon ito para maipakita ng Africa sa buong mundo ang kakayahan, kultura at potensiyal ng kontinente.
Tinatayang 11,000 performers, kabilang ang 700 mananayaw, ang magbibigay-buhay sa opening ceremony sa 55,000-seat Stade Abdoulaye Wade sa Diamniadio, na inaasahang dadaluhan din ni Senegal President Bassirou Diomaye Faye.
Orihinal na itinakda noong 2022 ang pagdaraos ng YOG sa Senegal matapos itong mapili bilang host noong 2018, subalit ipinagpaliban dahil sa COVID-19 pandemic at itinuloy ngayong 2026.
