NAGPAKITANG-GILAS ang mga batang atleta ng Padel Pilipinas matapos masungkit ang dalawang kampeonato at isang ikatlong puwesto sa Play Padel Greenfield Open 2026 na ginanap mula Oktubre 22 hanggang 25.
Nanguna sa kampanya ang 19-anyos na si Gio Manito at kaparehang si Jack Cruz na nagkampeon sa Men’s Gold division matapos manaig sa dalawang dikdikang laban na umabot sa tig-tatlong set.
Galing sa Talisay City, Cebu, si Manito ay kabilang sa unang batch ng mga kabataang nahubog sa grassroots program ng Padel Pilipinas sa lungsod.
Mas naging matamis ang kanilang kampeonato matapos pabagsakin sa semifinals ang defending champions na sina Antoine Boutain at Juan Thomas De Carranza, 0-6, 6-1, 6-4.
Bumawi ang tambalan nina Manito at Cruz matapos matalo sa naturang magkaribal sa finals ng Padel Pilipinas Open noong Agosto.
Hindi rin sila nagpaawat sa finals at tinalo ang French-Spanish tandem nina Amaury Brucker at Enrique Marchán, 3-6, 7-5, 6-4, para masungkit ang titulo.
Sa Men’s Bronze division, nagdiwang din ng kanilang unang tournament championship ang 16-anyos na si Abdulracman Pangcoga at 18-anyos na si Hanie Omar ng Taguig Padel Juniors.
Tinalo nila sa isang matinding finals match sina Carlo Principe at Firas Abdulriham, 6-4, 2-6, 7-6(4), matapos manaig sa deciding-set tiebreak.
Samantala, nagkasya sa ikatlong puwesto sina 13-anyos na Lailah Al-Mosa at 12-anyos na Althea Panarigan sa Women’s Bronze division matapos gapiin ang kanilang mga katunggali, 6-3, 6-2.
Kapansin-pansin din ang pagsabak ng mga junior player sa mga dibisyong kinabibilangan ng mga beteranong atleta, patunay na kaya na nilang makipagsabayan sa mas mataas na antas ng kompetisyon.
Patuloy naman ang pagpapalawak ng Padel Pilipinas sa grassroots program nito upang mas maraming kabataan at komunidad ang mahikayat na matuto at makilahok sa padel.
Mula 2023, nagsasagawa na ang pederasyon ng mga grassroots clinic sa iba’t ibang panig ng bansa.
Noong Agosto 2025, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Talisay City, binuksan ng Padel Pilipinas ang unang mga padel court sa Cebu at kauna-unahang pampublikong padel courts sa bansa. Dito unang nakilala ni Manito ang naturang sport.
Kamakailan, nagsagawa rin ang pederasyon ng tatlong araw na grassroots at coaches training sa pampublikong padel courts sa Ormoc City, Leyte, na tahanan ng ikalawang public padel club sa Pilipinas. (HNT)
