BUMAWI nang husto ang Philippine Under-15 Men’s National Football Team matapos pataubin ang Aruba, 5-2, sa 2026 FIFA U15 World Cup & Festival sa Baku, Azerbaijan.
Nagsilbing sandigan ng koponan si Quito Pascual ng LA Galaxy Academy na kumana ng dalawang goal, habang tig-isa naman sina Micah Alva, Dan Becera at Sylar Alcantara upang makumpleto ang limang goal ng Pilipinas.
Naunang yumanig ang Aruba nang makaiskor si Tysheron Commijs sa ika-10 minuto para sa 1-0 bentahe.
Ngunit hindi nagpatinag ang mga Pinoy at naitabla ni Pascual ang laban sa ika-19 minuto sa pamamagitan ng kaliwang paa matapos saluhin ang mahabang kick-in mula sa likurang bahagi ng field.
Pagbubukas ng ikalawang bahagi, nagpaandar naman si Alva ng goal upang ibigay sa Pilipinas ang kalamangan.
Gayunman, mabilis na nakabawi ang Aruba nang mahanap ni Jaymilliano Herkul ang butas sa depensa para sa 2-2 tabla sa ika-24 minuto.
Muling umariba si Pascual at ibinalik ang kalamangan sa Pilipinas sa ika-28 minuto sa isa pang kaliwang sipa mula sa kanang bahagi.
Lalong lumayo ang mga Pinoy nang makaiskor si Becera sa ika-32 minuto matapos salubungin ang mahabang pasa ni Jonas Oliverio.
Sinelyuhan naman ni Alcantara ang panalo sa pamamagitan ng goal mula sa mabilis na opensiba na sinimulan ng pasa ni Oliverio.
Pinuri ni head coach Roxy Dorlas ang ipinakitang laro ng kanyang mga bata, partikular ang mas maayos na galaw ng bola at pagkontrol sa takbo ng laban.
Ayon kay Dorlas, pinaghirapan ng koponan ang panalo at naging malaking pagkakaiba ang mahusay na pagsamantala nila sa mga pagkakataong makaiskor.
Matatandaang nagtala muna ang Pilipinas ng 2-0 panalo kontra Macau bago yumukod sa Tajikistan, 0-3, sa classification round Tier D.
Masakit din ang naging kabiguan kontra Zimbabwe matapos masayang ang 2-0 kalamangan ng mga Pinoy. Naiskor nina Alcantara at Becera ang mga goal bago nakabawi ang Zimbabwe at naitala ang panalong goal sa huling possession ng laro.
Sa kabila nito, mabilis na nakabangon ang koponan at naghahanda na para sa huling laban kontra Andorra para sa ika-109 na puwesto sa torneo sa Hovsan Competition Complex.
Umaasa si Dorlas na madadala ng kanyang mga manlalaro ang ipinakitang determinasyon, lakas at disiplina laban sa Aruba upang tapusin ang kampanya sa positibong paraan. (PSC/HNT)
